260 total views
Hindi matutumbasan ng anumang kayamanan ang kagandahang likas ng Bataan ayon sa inilabas na pastoral letter ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos.
Sa pahayag, sinabi rin ni Bishop Santos-chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples ang dinaranas na hirap ng mga naninirahan sa Bataan dahil sa Coal Power Plants na nakatayo sa lalawigan.
Hiniling din ng Obispo kaisa ang mga pari ng Bataan, na huwag nang dagdagan pa ang mga Coal Fired Power Plants na nakatayo sa lalawigan.
Ayon sa Obispo, hindi dapat masilaw ang lokal na pamahalaan ng Bataan sa halaga ng salapi na iilan lamang ang makikinabang, sa halip ay dapat tignan ang mas malawak at magiging pangmatagalang epekto ng Coal Power Plants sa Bataan.
“Alam at tinatanggap po namin na ang ninanais ninyo ay para sa kaunlaran ng Bataan. Hindi po namin itinatatwa na ang mga ito ay mayroong pakinabang. Huwag po tayong masilaw sa BARYANG PAKINABANG. Kailangang tanggapin na ang perwisyong idudulot nito sa Bataan ay magiging pangmatagalan at magiging huli na ang pagsisisi,” pahayag ng Obispo sa Pastoral Letter.
Dagdag pa ng Obispo, mahalaga ring mabantayan ang kalagayan ng hangin sa mga lugar na kasalukuyang may operasyon ang mga plantang una nang nakatayo.
Aniya, sa pamamagitan ng maayos na pagbabantay ay maiiwasan ang polusyon sa hangin at tubig.
Naniniwala rin ang Obispo, na dapat nang palawigin ang paggamit sa renewable energy tulad ng Solar energy, hydro energy, at wind power.
Sa huling bahagi ng liham, hiniling ni Bishop Santos sa mamamayan na maging mapagmatyag at makisangkot sa mga gawain para pangalagaan sa kalikasan.
“Mahalin natin ang Bataan. Mayaman at maganda ang Bataan. Huwag tayong maging makasarili. Isipin natin ang mga susunod na henerasyon. Ipagtanggol natin ang Bataan. Ipagtanggol at bantayan natin ang yamang kalikasan ng Bataan; Maging mapagmatyag at mapanuri; At ang panghuli, maging bukas at makisangkot sa anumang pagkilos na mayroong kinalaman sa pagtatanggol sa yamang kalikasan ng Bataan,” bahagi ng liham pastoral.
Sa kasalukuyan limang iba’t ibang planta ang nakatayo sa bataan, ito ang Refinery Solid Fuel Fired Power Plant, San Miguel Global Power, Panasia Power Plant, GN Power Plant at Bataan Oil Refinery.
Matatandaang, iminungkahi ni Pope Francis, sa encyclical nitong Laudato Si ang pag-gamit sa renewable energy upang maibsan ang kakulangan sa kuryente, at mapalitan ang mga fossil fuels na sumisira sa kalikasan.
Read:
Kawalan ng tubig sa Bataan, isininisisi sa coal power plants