912 total views
Mga Kapanalig, pagpupugay para sa ating mga manggagawa ngayong Araw ng Paggawa! Ngunit kumusta na nga ba ang mga manggagawang Pilipino?
Sa simula ng taóng ito, ayon sa Philippine Statistics Authority, 60 porsyento ng mga Pilipinong edad 15 pataas o ang tinatawag na “working age” ang tinatayang nagtatrabaho na. Ito po ang tinatawag na “labor force participation rate.” Sa resulta naman ng huling Labor Force Survey noong Hulyo 2016, lumabas na mahigit kalahati ng mga manggagawang Pilipino ay nasa services sector o mga trabahong nagbibigay serbisyo sa mga tao gaya ng pagtitinda, komunikasyon, transportasyon, pagtuturo, paglalapat ng lunas, at pagtitiyak ng kaligtasan ng publiko. Sumunod naman rito ang mga nasa sektor ng agrikultura katulad ng mga mangingisda at magsasaka. Pinakakaunti naman ang mga nasa industriya gaya ng mga trabahador sa pabrika at pagawaan.
Sa isa pang naunang survey ng pamahalaan noong 2014, napag-alamang 3 sa 10 manggagawa (o 1.3 milyon sa kabuuang 4.5 milyon) ay non-regular. Kinabibilangan ang mga ito ng mga contractual o project-based, mga casual workers, at seasonal workers. Ang mga casual workers ay ang mga manggagawang may trabaho lamang depende sa pangangailangan ng isang negosyo, at seasonal workers naman ang mga manggagawang nakabatay sa panahon ng ating bansa ang trabaho. Kabilang naman sa mga contractual workers ang nae-empleyo sa ilalim ng end-of-contract scheme o “endo”, kung saan ang mga manggagawa ay may trabaho lamang sa loob ng limang buwan, at maaari silang i-renew sa loob ulit ng limang buwan (kaya’t tinatawag din itong “555”). At dahil hindi magiging regular ang mga “endo”, wala silang natatanggap na anumang benepisyo. Kung hindi sila matanggap muli pagkatapos ng limang buwan, mapapabilang ulit sila sa mga walang trabaho o unemployed.
Noong Marso, inilabas ng Department of Labor and Employment o DOLE ang Department Order 174, isang kautusang nagbabawal sa labor-only contracting at naghihigpit sa mga alituntunin sa pakokontrata sa mga mangggagawa. Ilan sa mga nilalaman ng kautusan ay ang pagpapaikli sa certification ng mga manpower agencies at pagpapataas ng kailangan nilang kapital at registration fee. Nariyan din ang paghihigpit sa paulit-ulit na pagkuha sa isang manggagawa sa loob ng maiikling panahon at pagkuha sa “cabo” upang magsaka, gayundin ang pagbibigay ng mga gawaing pang-regular na trabahador sa mga non-regular na manggagawa.
Dismayado ang ilang grupong manggagawa sa naturang kautusan dahil hindi raw nito lubusang tinatapos ang kontraktwalisasyon, bagkus ay binabawalan lamang ang ilang porma nito. Paliwanag naman ng kalihim ng DOLE, mangangailangan ng pag-amyenda sa ating mga batas sa paggawa upang tuluyang matuldukan ang kontraktwalisasyon.
Mga Kapanalig, mahalaga ang pagkakaroon ng trabaho ng isang tao hindi lamang upang matustusan ang kanyang mga pangangailangan kundi upang maitaguyod niya ang kanyang dignidad. Wika nga ni St. John Paul II sa Laborem Exercens, “mabuti ang paggawa para sa tao—mabuti para sa kanyang pagkatao—dahil sa pamamagitan nito, hindi lamang niya napapanibago at napagyayaman ang kalikasan… nakakamit din siya ang kanyang kaganapan bilang tao at sa isang banda, siya ay mas nagiging tao.”[1]
Malaki ang papel ng Estado sa pagtiyak na mayroong sapat na oportunidad para magkatrabaho ang mga mamamayan nito. Hindi po ang pamahalaan ang lilikha ng trabaho, bagkus, bilang tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga mamamayan, tungkulin nitong kumikayat ng mga tao, grupo, o industriyang makapagbibigay ng mga trabaho at hanapbuhay. Higit sa lahat, tungkulin nitong magpatupad ng mga patakarang gagawing mas patas ang ugnayan ng mga nag-eempleyo at mga empleyado, gaya ng pagpapataw ng tamang buwis, pagtiyak sa wastong pagpapasahod, at paghahatid ng mga serbisyo sa mga manggagawa.
Mga Kapanalig, hindi nakabatay ang halaga ng paggawa sa kita o profit mula sa mga produkto o serbisyo. Ang dignidad ng paggawa ay nakaugat sa dignidad ng mga taong lumilikha at gumagawa.
Sumainyo ang katotohanan.
[1] Laborem Exercens #9 (Work is a good thing for man-a good thing for his humanity-because through work man not only transforms nature, adapting it to his own needs, but he also achieves fulfilment as a human being and indeed, in a sense, becomes “more a human being”.)