940 total views
Kinakailangan pang palawakin ang pagtuturo sa mga mahihirap na komunidad kaugnay sa kasagraduhan ng buhay ng bawat nilalang.
Ito ang inihayag ni Bro. Rudy Diamante, Executive Secretary ng CBCP-Episcopal Commisson on Prison and Pastoral Care, dahil aniya marami pang mamamayan ang hindi nakakaunawa sa tunay na magiging bunga ng pagkakaroon ng Death Penalty sa Pilipinas at ang patuloy na paglaganap ng Extra-Judicial Killings.
Ayon kay Diamante, magandang pagkakataon ang pagdiriwang ng Year of the Parish as Communion of Communities upang mapalawak sa bawat sangay ng komunidad ang mga aral patungkol sa pagpapahalaga sa buhay.
“Very appropriate ngayon yung ating theme as we move towards our 500 years [of Christianity] na Parish as the communion [of Communities]. Dun papasok ang Basic Ecclesial Community natin. Ako I still believe na we still have to [go] underground, yun bang koneksyon natin sa baba, nang sa ganun ay mamobilize natin yung mga tao, makipag-ugnayan dun sa mga tao,” bahagi ng pahayag ni Diamante sa programang Veritas Pilipinas.
Hinimok din ni Diamante ang mamamayan na matutong umunawa kung ano ang tama at maling impormasyong ipinababatid ng Media sa taumbayan.
Dapat din aniyang maging “proactive” ang bawat isa sa pagkondena sa death penalty at sa patayang nagaganap sa bansa, dahil maaaring malinlang ang lipunan sa tunay na nagaganap sa Pilipinas.
“Halimbawa yung ginawa ng brother Redemptorist na sinasabing walang patayan, e di sumama siya ngayon sa mga photographers na kumukuha ng litrato nung mga biktima ng killings, pagkatapos kinunan ng litrato, inexhibit, ngayon umikot yung exhibit na yun para ipakita na ito yung documentation,” dagdag pa ni Diamante.
Batay pa sa tala ng PDEA, mayroon nang naitatalang 9,432 bilang ng homicide cases sa bansa sa pagsisimula ng Duterte Administration noong July 1, 2016 hanggang nitong March 31, 2017.
Mula sa naturang bilang, nasa 1,847 lamang ang sinasabing may kinalaman sa iligal na droga. Naninindigan naman ang Catholic Bishops Conference of the Philippines na mapipigilan ang paglaganap ng culture of death sa buong mundo sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng aral ukol sa kasagraduhan ng buhay.
Read:
Kawalang-muwang ng Filipino sa death penalty, oportunidad para sa simbahan