3,135 total views
Kapanalig, ang ating bansa ay isang agricultural country. Kahit pa bumababa ang kontribusyon ng agriculture sa ating ekonomiya, hindi natin matatatwa na napakarami pa rin ang naka-asa sa sektor na ito. Hindi lamang manggagawa kapanalig, kundi tayo. Ang ating food security ay nakakasalalay sa agricultural sector.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), binubuo ng agricultural sector ang 32% ng total employment sa bansa. Katumbas ito ng mga 12 milyong manggagawa. Marami man ang sakop ng manggagawa ng sektor, bumababa naman ang kontribusyon nito sa GDP. Noong 1985, ayon sa World Bank, 24.6% ang kontribusyon nito sa ekonomiya. Noong 2011, naging 12.8% na lamang. Dumarami rin ang mahirap sa sektor na ito. Ang poverty incidence sa hanay ng mga magsasaka ay nasa 38.3%.
Sa harap ng mga hamon na ito, kapanalig, ang mga magsasaka ay kikonpronta din ng maraming mga “risks.” Kaya nga maraming mga magsasaka ang naghanap na ng ibang trabaho. Isipin nyo kapanalig ang mga “risks” ng magsasaka, lalo na yung mga maliitan lamang:
Risk kapanalig, ang pag-ulan. Pag sobra, malulunod sa baha ang pananim. Kapag kulang, tuyot naman ang pananim. Kailangang maging wais ng mga magsasaka—ang kanilang tanim dapat ay matibay sa hamon panahon at akma sa klima.
Ang peste rin kapanalig, ay risk. Kahit pa maingat ang isang magsasaka, kung widespread o malawakan ang pesteng dumapo, maaring maubos ang lahat ng pananim. Sa uulutin, kailangang wais ng magsasaka. Pest-resistant dapat ang kanyang pananim.
Kung gagamit naman ang magsasaka ng pesticide, risk naman ito sa kanyang kalusugan. Kanser minsan ang katapat nito. Hindi lamang sa kanya, kundi sa iba, lalo kung ikokontamina ng pesticide ang katubigang dumadaloy sa kabahayan.
Ang presyo rin kapanalig, ay isang risk- presyo ng punla, ng pesticide, ng lupa at iba pang raw materials na kailangan upang maitaas ang kanyang output. Lahat ito ay mataas, at lahat ito, kung susumahin, mababa din ang yield-mas mura na rin kasi ang mga presyo ng local agricultural products ngayon dahil sa mas malawak na merkado dala ng globalisasyon.
Kaya nga kapanalig, kailangan ng ibayong tulong ng sector na ito ngayon. Hindi lamang lupa ang sagot, kapanalig, kundi imprastraktura. Hindi lamang imprastraktura kapanlig, kundi teknolohiya. At hindi lamang teknolohiya, kapanalig, kundi marketing support. Kaya’t sana ay mabigyan natin ng prayoridad ito.
Hiramin natin ang mga kataga mula sa “For I Was Hungry and You Gave Me Food” isang pastoral reflection mula sa US Conference of Bishops: Ang mga naghihirap na magsasaka ay hindi komplikadong isyu. Sila ay ating mga kapatid na may angking dignidad mula sa ating Panginoon. Sila ay si Hesus din. Kailangan nila ng disenteng kita, ng disenteng buhay.” Nawa’y maantig at magising tayo, kapanalig, ng gabay na ito.