280 total views
Mga Kapanalig, nitong nakaraang linggo ay may bagong salitang naging bukambibig ang mga taong nakatutok sa ating ekonomiya. Sa isang malaking pagpupulong ng mga nangangasiwa ng ating pambansang ekonomiya at mga namumuhunan mula sa pribadong sektor, ipinaliwanag muli ang mga estratehiya at planong pang-ekonomiya ng administrasyong Duterte. Binansagan ang mga itong “Dutertenomics.”
Bagama’t hindi talaga bago ang nilalaman nito, minabuti marahil ng administrasyon na bigyang-diin ang isang bahagi ng “Dutertenomics” na sa tingin nila’y makakukuha ng malawak na suporta ng maraming sektor. Ito ay tungkol sa mga plano ng pagtatayo ng marami at makabagong imprastruktura. Sa loob ng anim na taong panunungkulan ni Pangulong Duterte, handang maglaan at gumastos ang gobyerno ng mahigit sa anim na trilyong piso upang pahusayin at gawing moderno ang ating mga kalsada, tulay, tren, paliparan at daungan; mayroon pa ngang planong subway. Ang anim na taon daw na ito ay magiging “Golden Age of Infrastructure.” Sabi ng gobyerno, kapag maayos ang mga imprastrukturang ito, pupunta sa Pilipinas ang mga mamumuhunan at lilikha ito ng maraming trabaho para sa mga Pilipino. Kapag marami ang may hanapbuhay, uunlad ang kabuhayan ng mga tao.
Maganda at tama naman ang nais gawin ng Dutertenomics. Ngunit tulad ng mga nauna nang mga planong pang-ekonomiya ng ibang mga administrasyon, hindi natin maiwasang itanong: nasaan ang mga mahihirap sa mga planong ito? Maisasama rin kaya sila sa pag-unlad na sinasabi? Kasama ba sila sa mga makikinabang sa mga ipatatayong imprastruktura? Kasama ba sila sa mabibigyan ng hanapbuhay?
Lagi tayong pinaaalalahanan ng mga panlipunang turo ng Simbahan na ang anumang gawaing pang-ekonomiya at anumang pang-materyal na kaunlaran ay dapat naglilingkod sa kagalingan ng tao. Higit pa rito, ang ating paggamit sa mga materyal na bagay at yaman na bunga ng mga gawaing pang-ekonomiya ay dapat nakatuon sa pangangailangan ng mga nagugutom, ng mga walang disenteng bahay, mga hindi nakatatanggap ng serbisyong pangkalusugan, sa maikling salita, ang mga napag-iiwanan.
Mga Kapanalig, suriin nating mabuti ang ilang implikasyon ng Dutertenomics ayon sa mga pamantayang ito. Unang-una, anong mga imprastruktura ba ang kailangan ng mga maghihirap at napag-iiwanan? Hindi ba’t ang karamihan sa kanila ay nasa kanayunan? Hindi kaya mas kailangan nila ay malinis na tubig at palikuran, maayos na irigasyon, mga paaralang malapit sa kanilang mga barangay, mga bahay na hindi madaling masira ng bagyo, at mga tulay at kalsadang maglalapit sa mga produkto nila sa mga pamilihan? Oo nga’t matindi na ang problema sa transportasyon sa Kamaynilaan, ngunit ‘di hamak na mas marami ang mahihirap sa ating mga kanayunan.
Ikalawa, anu-anong mga trabaho kaya ang malilikha ng pagtatayo ng imprastruktura at ng mga bagong mamumuhunan sa ating bansa? Hindi kaya mga trabahong para sa mga naninirahan sa kalunsuran at may mataas na napag-aralan? Paano ang mga nananatili sa mga probinsiyang higit na nangangailangan ng mapagkakakitaan? Anu-anong mga trabaho ang maari nilang asahan sa mga liblib na lugar nila?
Ikatlo, paano tutustusan ang mga mamahaling mga proyektong ito? Ayon sa mga “economic managers” manggagaling ang panustos mula sa mga buwis na dapat bayaran ng mga Pilipino at malaking bahagi ay manggagaling sa utang mula sa ibang bansa at mga pribadong mga bangkong nagpapautang. Ang utang ay siyempre binabayaran. Samakatuwid, papasanin ang pagbabayad ng utang na ito ng mga susunod na henersayon, tulad nang binabayaran nating utang magpahanggang ngayon sa mga inutang ng rehimeng Marcos para sa mga imprastruktura.
Muli, mga Kapanalig, kapag tinimbang-timbang natin ang benepisyo at perwisyo ng mga iniisip gawin ng Dutertenomics, huwag lamang ang kapakanan ng mga nakaaangat na sa buhay ang ating isipin. Iangat natin ang mga higit na nangangailangan, ang mga nasa laylayan, mga napag-iwanan nang matagal na panahon, ang mga maralita at mahihina.
Sumainyo ang katotohanan.