184 total views
Hindi lang sa pamamagitan ng salapi maaaring makatulong ang tao.
Ito ang binigyang-diin ni dating Caritas Manila Communications Officer at ngayon ay Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte kaugnay sa pagpapasinaya ng ika-26 na Segunda Mana Charity Outlet sa Farmers Plaza Cubao.
Ayon kay Belmonte, maipapakita rin ng bawat isa ang pagtulong sa kapwa sa pagbabahagi ng mga personal na pag-aari o mga kasangkapan na hindi na ginagamit ngunit maaari pang pakinabangan.
“Hindi naman kailangan through cash lagi ang pagtulong natin sa kapwa, itong mga binibigay natin ay hindi naman natin kailangan so hindi naman tayo nasasaktan sa pagkawala ng mga gamit na ito sa mga bahay natin and yet sa ibang tao ang taas ng value nito sa buhay nila.” ang pahayag ni Vice Mayor Belmonte.
Ikinwento pa ng bise-alkalda na siya rin mismo ay suki ng mga ‘pre-loved items’ buhat noong siya ay estudyante pa lamang. “I myself, am a loyal customer of second hand shops.
“Noong ako ay estudyante lagi akong nagtitipid at lagi akong pumupunta sa mga second hand shops para sa mga kagamitan ko dahil napakaraming treasures na makikita d’yan na hindi mo makikita sa ibang mga tindahan,” dagdag pa nito.
Buo ang suporta ni Belmonte sa programa ng Caritas Manila at umaasa na mas marami pang Segunda Mana stores ang maitatayo sa lungsod sa darating na panahon na makatutulong sa pagpapaaral ng mahihirap na kabataan.
Bubuksan naman sa darating ng Hulyo ang ika-27 Segunda Mana Charity Outlet sa Fairview Terraces Shopping Mall, Quezon City.
Una nang ipinahayag ni Caritas Manila Executive Director Rev. Fr. Anton CT Pascual na nakikiisa ang Simbahan sa panawagan ni Pope Francis sa pagwawaksi ng kulturang patapon o “throw – away Culture.”
Read:
Ika-26 na Caritas Segunda Mana outlet sa Farmers, nagbukas na