250 total views
Naniniwala ang Department of Tourism (DOT) na ang pagkakaroon ng one visa policy ang sagot upang mapalago ang turismo sa Pilipinas.
Ayon kay Tourism Assistant Secretary for Public Affairs, Communications and Special Projects (OPACSP) Ricky Alegre, kung maipapatupad ang one visa policy partikular sa China, India at Middle East ay makahihiyat ng mas maraming turista na bumisita sa bansa.
“The biggest challenge today is the visa policy, we need to really take a look at that. We have to make it easier for the tourist to arrive in the country so that’s being addressed especially sa China. We really have to fully implement yung visa upon arrival policy para maging magaan at maging accessible sa ating bansa, yung mga turista,” ang pahayag ni Alegre.
Sa ulat ng World Economic Forum’s (WEF) Travel and Competitive Report 2017, bumagsak ang turismo ng Pilipinas sa ika-79 na pwesto mula sa 136 na bansa sa buong mundo, mas mababa ng limang antas kung ikukumpara sa ika-74 pwesto ng bansa noong 2015.
Kumpiyansa rin ang DOT na muling aangat ang turismo ng bansa sa darating na mga taon dahil sa malalaking proyektong imprastruktura ng administrasyong Duterte lalo’t ang isa itinuturong dahilan sa pagbaba ng ranggo ng Pilipinas ay ang kakulangan sa modernong pantalan at mga paliparan.
Nakapagtala ng 5.4 million visitor arrivals ang bansa noong 2016 ayon pa rin sa tala ng WEF.
Una nang nanawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco na itaguyod ang turismo upang matamo ang pag-unlad at maiwasan ang diskriminasyon sa pagitan ng iba’t ibang lahi.