164 total views
Isinulong ng Ecowaste Coalition sa pagsisimula ng Brigada Eskwela ang mahigpit na pagsunod sa Department of Education D.O. 4 na Mandatory use of Lead Safe Paints in School.
Ayon kay Tony Dizon – Campaigner ng grupo, isa itong magandang panimula sa taunang Brigada Eskwela dahil masmapapaigting ang proteksyon ng mga magulang sa kanilang mga anak laban sa nakalalasong lead.
“Kakaiba itong brigada na ginawa natin kumpara doon sa regular na brigada na ginagawa ng ating mga eskwelahan sa buong bansa dahil dito ikinabit na natin yung tinatawag natin na “Lead Free School” o “Lead Safe Paint” campaign,” pahayag ni Dizon sa Radio Veritas.
Paliwanag pa ni Dizon, hindi lamang sa mga pampublikong paaralan isusulong ng Ecowaste ang mahigpit na pagpapatupad ng DepEd sa Lead safe paint, kundi maging sa mga pribadong paaralan mula pre-school, Elementary, at Secondary levels.
“Hindi lang ito sa pampubliko kundi maging sa pampribado, lahat ng pre-school, elementary at secondary so napakaganda nitong order na ito at ito ngayon ang ating sinusundan,” dagdag pa ni Dizon.
Ninety parts per million of lead ang itinalagang limitasyon ng United States Consumer Product Safety Commission para sa mga pintura at kagamitan ng tao.
Samantala, ilan sa mga nakiisa at nanguna upang matanggal ang lead content sa components ng mga pintura ang Philippine Association of Paint Manufacturers, International Positive Education Network o IPEN, Boysen at Davie’s. Matutukoy naman kung walang lead ang mga pintura sa pamamagitan ng taglay nitong marka na “Lead Safe Paint Logo.
” Una nang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si ang kahalagahan ng pagsasaalang-alang ng kalusugan ng tao at kalikasan higit sa mga pansariling interes.