368 total views
Hinimok ng Green Thumb Coalition ang sambayanang Filipino na kumilos at protektahan ang kalikasan.
Ayon kay Fr. Pete Montallana – chairperson ng Save Sierra Madre Network Alliance, kinakailangan nang kumilos ang bawat mamamayan upang simulan ang pagbabagong inaasam para sa kalikasan.
Paliwanag ng pari, dapat magmumula sa pagkatao ng isang tao ang pagbabago at pagpapahalaga sa kalikasan para sa susunod na henerasyon.
“Gumising na ang lahat magsama-sama na tayo na ipagtanggol an gating kalikasan kasi tayo lang naman talaga ang makakapagbago ng ating bansa, hindi ang sinumang administrasyon. Once we are really involve na proteksiyunan ang ating environment mababago natin ang ating bansa,” pahayag ni Fr.MOntallana sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, hinimok naman ni Oyette Zacate – Secretary General ng grupong Oriang si Pangulong Rodrigo Duterte na dinggin ang panawagan ng mamamayan at tugunan ang mahabang panahon nang paghihirap ng mga Filipino dahil sa pagkasira ng kalikasan.
“Challenge sa pamahalaan ni Digong na patunayan niya yung pagbabago na kanyang sinasabi hindi puro salita lang. Ang totoong kalagayan ng tao ang totoong nararamdaman ng tao yun ang [dapat] gagawin n’ya kasi,” bahagi ng pahayag ni Zacate sa Radyo Veritas.
Una nang nanawagan ang G-T-C kay DENR secretary Roy Cimatu na ipagpatuloy ang sinimulan ni Gina Lopez at ipasara ang 23 minahang bumagsak sa mining audit noong nakaraang taon.
Samantala, naniniwala si Fr. Montallana na bagamat maraming kinasangkutang alegasyon si Cimatu ay posible pa rin itong baguhin ng Panginoon.
Nauna rito, itinuturing ng CBCP-NASSA/Caritas Philippines na neophyte si Cimatu sa usapin ng kalikasan.
Read: Cimatu, neophyte sa environmental issues.
Magugunitang binigyang diin sa katuruang panlipunan ng Simbahan na mahalagang walang pansariling interes na pinoprotektahan ang mga pinuno ng pamahalaan at ng bawat ahensya.