195 total views
Sinang-ayunan ni First Grade Finance Incorporated President Astro Del Castillo ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi tatanggap ng tulong mula sa European Union (EU).
Nilinaw ni Del Castillo na kung ang pagtulong ay may hinihinging kapalit o may kaakibat na kondisyon ay mas makabubuti kung tatanggihan ito dahil dahil matutumbasan ng salapi ang dignidad at respeto.
“Mahirap tapatan ng presyo ang pagrerespeto sa isang bansa lalo na katulad natin na developing country. Kahit bigyan pa tayo ng trillions of dollars kung binabastos naman tayo o mayroon din namang pagdidikta na bibigyan nga tayo ng pera pero ang kailangang kuning consultant ay kanilang mga empleyado rin at kailangang materyales ay dapat kunin din sa kanila, ibang usapan ‘yon. Kung ganoon ang appreciation ng gobyerno natin, nakikiisa tayo sa kanila,” pahayag ni Del Castillo.
Aniya, nakaapekto sa naging desisyon ng pangulo ang pagkondena ng European Parliament sa extra judicial killings sa bansa gayundin ang panawagan na palayain si Sen. Leila De Lima mula sa kaso nito na may kinalaman sa droga.
Iginiit din ni Del Castillo na bukod sa EU ay pinutol din ng administrasyong Duterte ang ugnayan sa iba pang bansa dahil sa malaking investment na pangako naman ng China.
Sa tala aabot sa 250 million euros o 13.85- bilyong piso ang grants na hindi tatanggapin ng bansa mula sa EU.
Una nang ipinaalala ng Kanyang Kabanalan Francisco sa mga lider ng pamahalaan na dapat gamitin ang salapi upang paglingkuran ang sambayan at hindi sa kasakiman o pansariling interes.