197 total views
Kinilala ni dating CBCP President at Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang anti-corruption campaign ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga sangay ng pamahalaan.
Tinukoy ng Arsobispo ang mariing pagsusulong ng Pangulo sa matapat na pamamahala ng kanyang mga opisyal hindi tulad ng nagdaang administrasyon.
“Ang nakikita ko sa kanya, in fairness to him I have not really notice any graft and corrupt practices in his hidden agenda, wala pa akong nakikita na maaring mayroong over-spending under-spending. Ito ang isa sa mga kapuri-puring masasabi ko tungkol sa Pangulo. Hindi kamukha nung nakaraan, ito ngayon ang tingin ko ay matuwid pa at talagang honest pa siya at therefore graft and corrupt practices may not be prevecated on him…” pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam sa Radio Veritas.
Matatandaang November 2013 nang idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang Priority Development Assistance Fund matapos ang pagkakabunyag ng 10-bilyong pisong pork barrel scam na kinasasangkutan ni pork barrel queen Janeth Lim-Napoles, 5 Senador, 23-Kongresista at mga opisyal ng gabinete.
Matapos ideklarang unconstitutional ang PDAF, binuo ng Aquino administration ang Disbursement Acceleration Program o DAP na naglalayong pabilisin ang public spending na idineklara ding unconstitutional ng Korte Suprema noong February 2015.
Sa inilabas na Pastoral Letter ng Catholic Bishops Conference of the Philippines kaugnay sa PDAF Scam, sinasabi ditong ang bawat isa ay may bahagi sa patuloy na katiwalian sa gobyerno, partikular na ang hindi pagsasalita o sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan.