402 total views
Itinuturing ng isang Obispo na mababaw ang kauna-unahang “Presidential debate” na isinagawa sa Cagayan de Oro City.
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on the Laity chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, mababaw ang sagot ng mga Presidentiables sa panlipunang usapin at walang inilahad na konkretong programa para matugunan ang problema ng bansa.
Inaasahan ni Bishop Pabillo na hindi lamang sana puro paninira sa kapwa kandidato at mga motherhood statements ang debate kungdi mas malalim na pagtalakay na pakikinabangan ng taumbayan na kanilang gagamiting basehan sa pagpili at paghalal ng lider.
Sinabi ng Obispo na dapat maglahad ang mga presidentiables ng mga konkretong programa na tutugon sa mga pangunahing problema ng bansa na kinakaharap ng sambayanang Filipino.
“Simula pa lang ‘yung presidential debates, pero lumalabas sa presidential debates na mababaw pa ‘yung debate nila, maraming motherhood statements, maraming paninira sa kapwa, at sa kapwa-kandidato nila at hindi naman talaga nagbigay ng mga datos, ng mga talagang mga programa o konkretong mga programa paano tugunan ang mga problema. Sana naman ‘yung mga susunod na mga debates mas maging malalim na ang mga sagot na talagang napag-aralan at hindi lamang yung intention na wala namang makikinabang. Hindi makakatulong sa mga botante kung mababaw ang mga sagot nil,” .pahayag ni Bishop Pabillo
Iginiit ni Bishop Pabillo na dapat problema sa agrikultura, katiwalian, political dynasty, kahirapan, land reform, suweldo ng mga manggagawa at katiwalian sa pork barrel ang mga konkretong usapin na dapat tutukan ng mga kandidato sa pagkapangulo.
Isa sa pangunahing problema ng bansa ang laganap na kahirapan kung saan 50-porsiyento ng populasyon ay mahirap, laganap na katiwalian, kawalang oportunidad sa trabaho kung saan 10-milyong kabataan ang underemployed sa nakalipas na taong 2015 base sa survey ng SWS.