204 total views
Nagsalita na ang mga katutubo laban sa isinusulong na death penalty bill sa Senado.
Nanawagan ang mga katutubo sa Senado at pamahalaan na pahalagahan at paigtingin ang pangangalaga sa kalikasan sa halip na isulong ang death penalty bill at iba pang kultura ng kamatayan.
Ito ang hamon ni Ebong Peñamante mula sa tribu ng Dumagat-Remantado na kasapi ng Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka sa pagtitipon ng Lakbay-Buhay caravan against death penalty sa University of Santo Tomas.
Ayon kay Peñamante, nararapat na pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ang pagpapatibay sa implementasyon ng mga batas na nangangalaga sa kalikasan dahil ang gubat ang nagbibigay buhay sa mga katutubo na pinagmumulan ng kanilang pag-kain, hanapbuhay at mga gamot.
Bukod dito, ang kabundukan at mga punong kahoy ang pinagmumulan ng tubig at nagsisilbing proteksiyon sa mga malalakas na bagyo, landslide at baha.
“Nananawagan po ako tungkol sa kalikasan, ang kagubatan ay kadugtong ng aming buhay.Sa likas na yaman lamang kami umaasa ng ikabubuhay.”pahayag ni Peñamante sa Radyo Veritas.
Naninindigan si Peñamante na silang mga katutubo ang maging pangunahing biktima ng parusang kamatayan dahil sa kawalan ng pera na pambayad sa abogado.
Patuloy din ang panawagan ng mga lider ng Simbahang Katolika sa mamamayan na manindigan laban sa parusang kamatayan.
READ :
magkaisa manindagan laban sa death penalty
pagyamanin ang kultura ng buhay sa pilipinas
Sa tala ng UNDP Philippines o United Nations Development Programme mayroong 14 hanggang 17 milyong katutubo sa Pilipinas na kabilang sa 110 ethnic groups.
Matatandaang, kinondena rin ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si ang pang-aabuso at pagpapalayas sa mga katutubo sa kanilang lupang minana, dahil sa pagpapapasok ng mga negosyo tulad ng plantasyon at pagmimina.