201 total views
Hinamon ni Atty. Grizelda Mayo-Anda, executive director ng Environmental Legal Assistance Center ang Department of Environment and Natural Resources na kanselahin na ang Environmental Compliance Certificate ng Ipilan Nickel Corporation na pumutol sa mahigit 15,000 punongkahoy kabilang na ang mga century old trees sa Brooke’s Point, Palawan.
Iginiit ni Anda sa DENR na bilisan ang pagpapataw ng parusa sa mining company na nagmasaker sa mga century old trees na bahagi ng Mt. Calingaan Protected Landscape.
Ayon kay Anda, dapat ipatupad ng DENR ang green economy sa Palawan na makakatulong sa pag-unlad ng mga katutubo sa halip na paboran ang mga mining companies na sumisira sa kabuhayan at kalikasan.
“Ang tingin namin ay talagang dapat mapakansela ang ECC. Dapat ang uri ng kaunlaran diyan ay yung makakatulong sa mga katutubo, sa mga magsasaka. Unang una kailangan mapagpatuloy yung pangangalaga ng kanilang tubig kanlungan, watershed, so to do that, irrigate the farm, at bahagi yan ng Mt. Mancalingaan protected landscape,” pahayag ni Anda sa panayam ng Radyo Veritas.
Samantala, tiniyak naman ni Anda na nakahanda ang kanilang grupo na magbigay ng legal assistance sa inihahandang reklamo ng lokal na pamahalaan ng Brooke’s Point laban sa Ipilan Nickel Corporation.
“Yung bahagi ng sinasakop ng mga Mineral Agreements na to ay bahagi ng protected area, so kami tinutulungan namin at sinusuportahan ang ginagawa ng lokal na pamahalaan na mapahinto yan, at pati na yung legal na hakbang, so our team the Environmental Legal Assistance Center will continue [give] legal support,” dagdag pa ni Anda.
Nauna rito, kinondena ni Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Socrates Mesiona ang pamumutol ng Ipilan sa mga punongkahoy na nagsisilbing watershed at nagdudulot ng kabuhayan sa mga katutubo.
Sa pagsisiyasat ng Environmental Legal Assistance Center, ang mga punong pinutol sa Maasin Brooke’s Point ay may edad na 30 hanggang 70 taon, at ang halos 10-hektaryang natural Forest na kinalbo ng Mining Company ay nakapaloob sa Watershed ng lugar.
Magugunitang binigyang diin ng kanyang Kabanalan Francisco na ang pagpapahalaga sa negosyo o ang capitalismo ay isa ring uri ng terorismo at pagkitil sa buhay ng mamamayan.