263 total views
Mahalagang alalahanin ng bawat Filipino ang mga pangyayari sa EDSA Revolution, 30-taon na ang nakakalipas upang manatili ang diwa at aral nito maging sa bagong henerasyon nang hindi na muling maulit pa.
Paliwanag ni Sr. Crescencia Lucero – Board of Trustees ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) at Association of Major Religious Superiors of the Philippines- National Justice, Peace and Integrity of Creation Commission Coordinator, dapat maging mulat maging ang mga kabataan sa makasaysayang pangyayari na nagbigay ng kalayaan at kasarinlan mula sa 14 na taong diktadurya.
“Kailangan maalala para hindi natin malimutan yung mga nangyari nung panahon na yun, yung pag-alala sana manatili yung diwa o espiritu ng EDSA 1 kung saan nagkaisa tayo, para hindi na maulit…” ang bahagi ng pahayag ni Sr. Lucero sa panayam ng programang Veritas Pilipinas sa Radyo Veritas.
Inihayag din ni Sr. Lucero ang pangamba ng TFDP kaisa ang ilang Human Rights Community sa pagtakbo bilang pangalawang pangulo ni Bongbong Marcos na anak ng dating Pangulo at kilalang diktador ng bansa na si Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Giit ni Sr. Lucero, hindi nararapat kalimutan ng bawat Filipino ang ginawa sa bayan ng kanyang ama at buong pamilya, kung saan bukod sa paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan ay kanila ring inangkin ang kaban ng bayan. “Yun ang panawagan namin ngayon never again maulit yun, never again Nunca Mas (Never Again) yun ang ating isinusulong Nunca Mas (Never Again), kaya dito natatakot kami sa Human Rights Community na ito ngang si Bongbong, nagkakandidato na naman nangangampanya para maging Bise-Presidente. Ano? Nalilimutan na ba natin din ang ginawa ng kanyang ama, ng kanyang pamilya sa bayan? Hindi lang yung Human Right Violation yung ginawa nila na napakatindi na nun pero inubos nila yung kaban ng bayan diba…” dagdag pa ni Sr. Lucero.
Batay sa tala sa ilalim ng Martial Law, tinatayang aabot sa 3,000 ang sinasabing pinaslang dahil sa hindi pagsang-ayon sa patakaran habang sa isinagawang pagsisiyasat ng Office of the Ombudsman noong 1988, nasa 100 milyong piso kada araw ang nawawala sa pera na bayan dahil sa laganap na korupsiyon, kung saan nabatid na noong panahon ng “Martial Law”, 5 hanggang 10-bilyong dolyar ang sinasabing nakuhang yaman ng pamilya Marcos sa pamahalaan na naitala sa Guinness Book of World Record bilang “the biggest robbery”.
Samantala taong 2000 naman ng naitala ang 609-billion pesos o 30-porsiyento ng pambansang pondo o national budget ang napupunta sa bulsa ng mga namumuno sa Pilipinas.