295 total views
Hinimok ni Lipa Abp Ramon Arguelles – Chairman ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs ang mamamayan ng Calaca na gumising at labanan ang ginagawang paninira sa kapaligiran ng kanilang pamayanan.
Ito ay matapos ang naganap na sunog mula sa isang Liquefied Petroleum Gas Facility of South Pacific Inc. sa Calaca, Batangas.
Ayon sa Arsobispo, panahon na para magkaisa ang mamamayan at ibalik ang nawalang ganda ng kanilang kalikasan dahil sa mapanirang mga negosyo.
“I am worried na parang hindi gising ang mga tao ng Calaca, pero we are aware of thinking na kasi yung mga damages na nangyayari dyan, ang mahalaga pigilan na yung marami pang gustong maglagay ng power plants.” Pahayag ni Abp Arguelles sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng Arsobispo, ang mga nagaganap na trahedya sa kalikasan ay paraan din ng Panginoon upang ipakita sa tao ang idinulot ng mga pagkakasala nito sa kalikasan.
Sinabi din ni Abp Arguelles na mahalagang maging alisto at mapagmatyag ang mamamayan sa bawat kilos ng pinuno ng kanilang bayan.
“Nung marinig ko yung fire na yun, sabi ko siguro pinapakita ng Diyos na we need to pay attention to Calaca sapagkat sirang sira na yang Balayan Bay sirang sira na yung dagat din nyan. Ang huli kong balita, sinabi daw ng mayor na kapatid nung candidate na Vice Governor, ang sabi ay everything under control, hindi nila sinasabi na up to now may environmental destruction na nangyayari.”pahayag ni Archbishop Arguelles
Sa kasalukuyan, sumasailalim sa pagsusuri ng Department of Energy ang pasilidad na nagpoproseso ng 7,000 hanggang 10,000 metric tons ng LPG upang matukoy ang pinagmulan ng nangyaring sunog.
Nagdeklara naman ng State of Emergency ang lokal na pamahalaan ng Calaca dahil sa pinsalang idinulot ng sunog.