342 total views
Sisimulan ng Diocese of Malaybalay, Bukidnon ang pagpapayabong ng kanilang mga charity works sa mga ospital at bilangguan.
Ayon Kay Rev. Fr. Darwin Alcotin, Social Action Center (SAC) director ng Diocese of Malaybalay na ngayong buwan ng Marso ay idineklara nila bilang “Social Action Month.”
Kasabay din nito ang pag-host nila sa kauna- unahang pagkakataon ng launching ng Alay-Kapwa sa Mindanao region.
“Sa ngayon po pagkatapos ng launching magsisimula po kami ng pag – iikot sa mga parishes para sa pag – mobilized ng Alay-Kapwa at pagbibigay ng formation. Kasi may manual po tayo para sa formation ng mga parokyano natin. Tapos mayroon naman tayong mga parish workers na tutulong sa atin para sa pagkakampanya ng Alay-Kapwa. At dito sa diocese namin mayroong kami by the month of social action month po namin. Ito rin po ang kampanya natin para sa social action works. May mga areas po kaming pupuntahan sa mga social action works this year of Mercy. Pupunta po kami sa mga ospital, pupunta po kami sa mga bilangguan bilang bahagi ng launching ng Alay-Kapwa dito sa Malaybalay, Bukidnon,” bahagi ng pahayag ni Fr. Alcotin sa Radyo Veritas.
Ipinagpasalamat rin nito ang patuloy na suportang ipinagkakaloob sa Alay-Kapwa ng mga mananampalataya sa kanilang diyosesis.
“Nagpapasalamat po kami dahil kami ang host ngayong launching ng Alay-Kapwa. Nagpapasalamat po kami sa mga delegates at participants sa launching ng Mindanao Region ng Alay-Kapwa launching.
Nagpapasalamat ako sa palaging suporta ng mga parishioners. Kahit na konti lang Hindi masyadong malaki pero at least may naibibigay na ambag sa nabibigay na tulong. Salamat sa mga taong laging sumusuporta sa Alay – Kapwa,” giit pa ni Fr. Alcotin.
Binubuo ng 85 diocesan social action center ang Pilipinas na tumutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga mahihirap at kapus- palad.
Ang Alay-Kapwa ay ipinagdiriwang ngayon tuwing ika 3 Linggo ng Kwaresma sa Ika-41 anibersaryo nito.
Kasabay nito ay ang national launching sa Diocese of Maasin, Malaybalay at Archdiocese of Lipa.
Sa tala ng Mindanao Social Business Summit, 10 sa 16 na lalawigan ay kabilang sa mahihirap na lugar sa Pilipinas kabilang dito ang Lanao del Norte, Maguindanao, Zamboanga del Norte, Saranggani, North Cotabato, Bukidnon, Lanao del Norte, Camiguin, Sultan Kudarat at Sulu.