180 total views
Tutol ang Promotion of Church Peoples’ Response (PCPR) na gawing state witness si Janet Lim Napoles na nakulong sa kasong plunder at corruption kasama ang 37 iba pang opisyal ng gobyerno dahil sa 10-bilyong pisong Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.
Ayon kay Nardy Sabino, Secretary General ng PCPR, sapat na ang mga testigo at mga ebidensya hinggil sa pork barrel scam na ang pangunahing may sala ay mismong si Napoles na kailangang managot sa batas dahil sa paggamit ng pondo ng bayan.
“Marami na ang star witness at evidence, di na kailangan si Napoles dahil siya at mga nakinabang at sangkot
sa panahon ni Aquino ang dapat managot,” ayon kay Sabino.
Sa pag-aaral ng Global Financial Integrity noong 2014, umaabot sa P357 bilyong kada taon ang nawawalang pondo ng bayan dahil sa katiwalian.
Ang PCPR ay bahagi sa grupong tutol sa pork barrel at nakiisa sa million people march sa Luneta na naging daan para ideklarang illegal ang pork barrel.
Sinabi naman ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na hindi kuwalipikado na gawing state witness si Napoles na taliwas naman sa pahayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Sa inilabas na pahayag noon ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), binigyan diin dito na lahat ng sangkot ay dapat maimbestigahan dahil ang ‘selective justice’ ay hindi nangangahulugan ng katarungan.