182 total views
Umaapela sa mamamayang Pilipino si Senate Assistant Minority Leader Senator Paolo “Bam” Aquino IV na maging responsible sa pagbabahagi ng mga impormasyon sa patuloy na kaguluhan sa Mindanao kung saan umiiral ang Batas Militar. Ayon sa mambabatas, nararapat na maging maingat ang bawat isa sa pagbabahagi ng mga maling detalye at impormasyon na maaring makapagdulot ng panic at pagkalito sa mga mamamayan lalo na sa mga may kamag-anak o mahal sa buhay sa Mindanao.
Iginiit ng Senador na dapat sa official sources lamang makinig at tumutok ang mga mamamayan upang magkaroon ng tama at aktuwal na mga impormasyon tulad na lamang ng Armed Forces of the Philippines na nangunguna sa pagsugpo sa teroristang grupong Maute sa Marawi city.
“I think right now we should allow the AFP to do the job properly, sugpuin yung lawless elements na yan at maging maingat tayo sa mga sini-share, If you notice kami rin the most that we share is just to really provide support and prayers, siguraduhin natin na hindi tayo nag-si-share ng fake na balita kasi delikado talaga siya, makinig tayo sa official sources.” Panawagan ni Senador Aquino sa panayam ng Veritas Patrol.
Una nang nanawagan ng pagiging mapanuri si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, member ng CBCP-Episcopal Commission on Social Communication kaugnay sa pagbabahagi ng mga tamang detalye at impormasyon partikular na sa kasalukuyang umiiral na ‘digital world’ kung saan mabilis na kumakalat ang mga ipormasyon sa iba’t ibang social media sites sa bansa tama man ito o hindi.
Sa pag-aaral ng Asia Digital Marketing Association (ADMA) noong 2015, ang Pilipinas ay ikalawa sa may pinakamaraming gumagamit ng internet sa buong South East Asia na may 44.2 milyon ang mayroong social media accounts.