218 total views
Mapayapa sa kabuuan ang isinagawang pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng Edsa People Power 1.
Ayon kay National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief Police Director Joel Pagdilao, walang naitalang mga insidente ng karahasan ang kanilang hanay sa buong panahon na isinasagawa ang programa sa People Power monument na dinaluhan ng mga kilalang personalidad noong Edsa People Power Revolution at ng Pangulong Benigno Simeon Aquino lll.
Sinabi ni Pagdilao, bagamat may mga nagsagawa ng kikos protesta sa ilang bahagi ng Ortigas, hindi naman ito nakaapekto sa pagtitipon ng mga lumahok sa selebrasyon dahil batay narin sa kanilang pagtaya, may 100 katao lamang ang mga raliyista na mula sa ibat ibang cause oriented groups.
Nasa 4,000 naman ang ipinakalat ng NCRPO upang magbantay sa seguridad mula sa bahagi ng Cubao hanggang sa Ortigas at Pasig, habang may 1,500 ay mga tauhan ng MMDA na siya namang nangasiwa sa daloy ng trapiko.
Ayon sa ng EDSA People Power Commission, magkakaroon ng mga talakayan kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t- ibang sektor tungkol sa naganap na Martial Law at naging malaking papel ng Simbahang Katolika upang mapayapang makamit ng bawat Pilipino ang kalayaan mula sa diktadurya ng Administrasyong Marcos.
Base naman sa inilabas na pag-aaral ng Social Weather Station, 7 sa 10 Pilipino ang kuntento sa uri ng demokrasyang umiiral sa bansa, 30 taon matapos ang EDSA Revolution.
Sa resulta ng survey, 58 porsyento ng mga Pilipino ang naniniwalang mangingibabaw pa rin ang demokrasya sa anumang uri ng gobyerno, habang 23 porsyento naman ang nagsabing hindi mahalaga ang kahit anong klase ng pamahalaan.
Lumalabas din sa nasabing SWS survey na 76 na porsyento ng mga Pilipino ang sang-ayon sa pag-iral ng demokrasya sa bansa mula sa 77 porsyento noong June 2015.