276 total views
Pinarangalan ng Simbahang Lingkod ng Bayan o SLB isang Jesuit socio-political group sa kauna-unahan nitong Kaisa ng Bayan Awards ang Radiyo Veritas 846 bilang pagkilala sa malaking ambag ng himpilan sa pagkamit ng kapayaan at demokrasya sa bansa noong EDSA People Power Revolution.
Ang Radio Veritas ay isa lamang sa 30 indibidwal, samahan, programa at kilalang lugar na ginawaran ng pagkilala kasabay ng pagdiriwang ng Simbahang Lingkod ng Bayan ng ika-30 taong Anibersaryo ng pagkakatatag sa noo’y isang apostolado na tinaguriang NAMFREL Marines kasabay ng EDSA EDSA People Power Revolution.
Kaugnay nito, tiniyak ni Rev. Fr. Manuel ‘Bong’ Bongayan – Vice President ng Radio Veritas 846 na patuloy na gagampanan ng himpilan ang pagiging daluyan ng mabuting salita ng Diyos kasabay ng paninindigan sa pagsusulong ng iba’t ibang adbokasiya ng Simbahan tulad ng pagtulong sa mga mahihirap, biktima ng mga kalamidad at maging pagtiyak sa maayos na pamamahala sa bansa.
Paliwanag ng Pari, ang isang tunay na Katoliko ay nararapat na maging mabuting mamamayan na nagsisilbi ng tapat at taus-puso sa kapwa kasabay ng pagtiyak sa pangangalaga ng kapaligiran.
“Ang advocacy ng Radio Veritas ay advocacy especially for the poor, evangelization and even for disaster so lahat ng mga prinsipyo na pinaninindigan ng Simbahang Lingkod ng Bayan ay yan din ang advocacies ng Radio Veritas, so sa ganito pinagpapatuloy ng Radio Veritas para malaman ng mga tao na ang Simbahang Katolika ay hindi pinababayaan lalong lalo na ang mga maralita at ang mga nangangailangan ng tulong especially sa mga disaster at paghahanda rin sa environment na gumanda ang ating kalikasan upang sila ay maging mga bahagi na good citizens. Kapag tayo ay tunay na mga Katolikong Kristyano, tayo din po ay nagiging tapat na mga citizens ng Pilipinas…” pahayag Father Bongayan
Ang SLB Kaisa ng Bayan Awards ay bahagi ng 30th anniversary year-long celebration na may temang TINDIG: Tatlong Dekada ng Paninindigan, na kumakatawan sa patuloy na pagsusulong sa karapatang pantao ng bawat Pilipino mula sa iba’t ibang uri ng panunupil sa lipunan.
Kaugnay nga nito batay sa tala, sa ilalim ng Martial Law, tinatayang aabot sa 3,000 ang sinasabing pinaslang dahil sa hindi pagsang-ayon sa mga patakaran.
Habang tinatayang umaabot naman sa higit 75,000 indibidwal mula sa buong bansa ang lumapit sa Human Rights Claims Board na biktima ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Martial Law at Administrasyong Marcos.