388 total views
Ito ang hamon ni Caritas Manila Executive Director Rev. Fr. Anton CT Pascual sa 660 scholars sa Metro Manila na nagtapos ng kolehiyo sa ilalim ng Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP ng Caritas Manila.
Ayon kay Fr. Pascual, hindi nagwawakas sa apat na sulok ng silid-aralan ang kuwento ng mga nagsipagtapos na iskolar bagkus simula pa lamang ito ng kanilang paglalakbay sa panibagong mundo kung saan kasama at kaagapay nila si Kristo.
“Palagi tayong magpasalamat sa Diyos at magdasal na bigyan tayo ng magandang trabaho upang makatulong sa pamilya, makalaya sa kahirapan gayundin ay patuloy tayong maglingkod sa ating mga parishes at communities, makapagpay forward at makatulong din sa mga batang mahihirap na nagnanais magkaroon ng magandang kinabukasan sa pamamagitan ng edukasyon at paglago bilang lingkod ng Panginoon,” pahayag ni Fr. Anton.
Nagpasalamat din ang pari sa mahigit 7,000 donors ng YSLEP na pangunahing sumusuporta upang matustusan ang pag-aaral ng mahihirap na kabataan. Ngayong taon umabot sa 880 ang bilang ng YSLEP college at vocational-technical school graduates sa buong Pilipinas kung saan ang 660 ay mula sa Metro Manila.
Kabilang dito si Maria Tacianne Funes ng University of Rizal System na inalay sa Caritas Manila ang kanyang pagiging Magna Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Fisheries.
“Bukod sa financial assistance na ipinagkakaloob ng YSLEP, nakatulong po talaga ng malaki sa’kin ay ‘yung mga values formation to have a closer relationship to God and to strengthen our faith. As a student po siyempre na-aapply mo yun sa buhay mo whenever there are challenges in school and whenever you are going to decide, mahalaga ‘yung nagdarasal ka at humihingi ng guidance kay Lord,” kuwento ni Funes.
Kaugnay nito una nang binigyang pagkilala ang mga YSLEP scholars sa Luzon, Visayas at sa Mindanao.
Magugunitang nagsimula noong 1953 ang pagbibigay ng scholarship grant ng Caritas Manila sa ilalim ng Educational Assistance Program na mas pinalawig pa at naging YSLEP noong 2008 na siyang napagpatapos ng 4000 mahihirap na kabataan.
Patuloy namang naninindigan si Fr. Pascual na kung mabibigyan ng maayos na edukasyon ang bawat isa ay makakaahon ang bansa sa kahirapan.