344 total views
Mga Kapanalig, habang isinusulat ang editoryal na ito, nagpapatuloy ang bakbakan sa pagitan ng puwersa ng ating pamahalan at ng Maute Group sa lungsod ng Marawi sa lalawigan ng Lanao del Sur. Mahigit 40 na ang nasawi, kapwa sa panig ng mga sundalo’t pulis at ng teroristang grupo. May mga sibilyan ding namatay. Tiniyak ng ating militar na kontrolado nila ang sitwasyon sa lugar. Marami na rin ang nailikas mula sa siyudad patungo sa mas ligtas na mga bayan. Upang maiwasang lumala ang sitwasyon at upang hindi umabot ang gulo sa ibang lalawigan, isinailalim ni Pangulong Duterte ang buong Mindanao sa batas militar.
Nagsimula ang gulo Martes ng hapon nang salakayin ng ating militar at kapulisan ang isang bahay kung saan umano nagtatago ang isang lider ng Abu Sayyaf. Upang makatakas at lalong mahirapan ang puwersa ng pamahalaan, humiling ng tulong ang nasabing lider sa Maute Group, isang grupong nakabase sa Marawi at nais umanib sa Islamic State (na mas kilala bilang ISIS). Nakipagbarilan ang mga miyembro ng grupo sa mga pulis at sundalo, at sinunog pa ang dalawang paaralan, isang bilangguan, at isang simbahan. May labinlimang bihag ang Maute Group, kabilang ang isang paring Katoliko. Lalong natakot ang mga taga-Marawi nang magwagayway ang ilang kasapi ng Maute Group ng watawat ng ISIS.
Ang kaguluhang ito sa Marawi ang pinakahuli sa serye ng panggugulo ng Maute Group na nag-umpisa pa noong 2016. Noong Pebrero hanggang Marso ng nakaraang taon, halos 30,000 taga-Lanao del Sur ang napilitang lumikas matapos magtayo ang Maute Group ng kanilang mga kuta sa lalawigan at pasukin ang kampo ng militar doon. Nang sumunod na buwan, pinugutan nila ang dalawa sa anim na manggagawang kanilang dinukot sa bayan ng Butig; sinunog nila ang munisipyo ng bayang iyon noong Nobyembre. Noong Agosto naman, pinatakas nila ang 50 bilanggo sa Lanao del Sur City Jail, at walo sa mga ito ay kanilang miyembro. Ang Maute Group ang pinaghihinalaan ding nasa likod ng pagpapasabog sa night market sa Davao City noong Setyembre. Tulad ng grupong ISIS at Abu Sayyaf, ang Maute Group ay kumikilos sa anino ng karahasan at pananakot, mga pangunahing sangkap ng terorismo.
Mga Kapanalig, mariing kinukundena ng ating Simbahan ang terorismo. Itinuturing natin itong isa sa pinakabrutal na anyo ng karahasang… naghahasik ng poot, nagdudulot ng kamatayan, at naghihimok ng paghihiganti. Ang terorismo ay tahasang paglapastangan sa buhay ng tao at hindi ito kailanman mabibigyang-katwiran. Ginagawang kasangkapan ng mga terorista ang tao upang makamit ang mga pansariling interes. Ang takot na kanilang pinalalaganap at ang buhay ng mga taong kanilang pinapaslang ay nagsisilbing gatong upang ipagpatuloy ng mga terorista ang kanilang baluktot na mga paniniwala at kasamaan.
Ngunit paalala rin ng mga panlipunang turo ng Simbahan, ang pagtugon natin sa terorismo ay hindi lamang dapat matapos sa pagsupil sa pananakot at gulóng pinalalaganap ng mga terorista. Kailangan nating putulin ang ugat ng terorismo. Kailangan nating hanapin ang mga binhing nagbunsod ng mga hindi katanggap-tanggap at hindi makataong gawain ng mga terorista. Samakatuwid, kaakibat ng pagsugpo sa terorismo ang pananagutan nating lahat na tiyaking mabura ang mga kalagayang nagtutulak sa mga taong kumapit sa karahasan at terorismo.
Mga Kapanalig, ipagdasal po natin sa Panginoon nating si Hesus, ang hari ng kapayapaan, ang ating mga kababayan sa Marawi, ang mga pamilyang naiipit sa gulo, at ang mga inosenteng binihag ng mga terorista. Isama rin po natin sa ating mga panalangin ang ating mga sundalo’t pulis, at ang ating mga pinuno sa pamahalaan upang mapanumbalik ang kapayapaan sa bahaging iyon ng Mindanao.
Sa ating munting paraan, maging instrumento rin nawa tayo ng tunay na kapayapaan saan man tayo naroroon. Iwaksi natin ang terorismo.
Sumainyo ang katotohanan.