270 total views
Kapanalig, ang ating bansa ay balot ng problema ngayon. Mahirap umusad dahil tila walang kapayapaang nararamdaman sa ating lipunan. Hindi rin natin inakala na sa paglago ng komunikasyon sa bansa, ang mga maglilipanang balita ay ang mga uri na nakakasakal at nakakasulasok, sa halip na nakaka-angat ng ating ispiritu at kamalayan.
Ang komunikasyon, kapanalig, ay makapangyarihan. Ito ay nakakapagbago ng buhay at pananaw. Ito ay gabay at guro. Humuhulma ito ng ating mga opinyon at paniniwala, kaya’t mahalaga na ito ay makatotohanan.
Hindi natin makokontrol ang mga balitang lumalabas sa kahit anumang media o news outlets. Kahit pa nais natin na itaas ang integridad ng pamamahayag ng pamahalaan o ng media, mahirap ito gawin. Ngunit hindi naman nangangahulugan na wala tayong dapat gawin.
Ang Fordham University Libraries ay may binigay na gabay sa pagsala ng balita sa lipunan. Ayon sa gabay na ito, dapat ay maging mapagmatyag tayo at mapanuri sa mga kahinahinalang datos o statistics. Kailangan alam natin, halimbawa, kung anong paraan o method ang ginamit sa mga surveys at kung gaano kalaki ang sample size. Sa panahon ngayon, marami sa atin ang gumagawa ng mga sweeping generalizations upang pilitin tayong maniwala sa maling datos.
Maliban sa datos, maging mapanuri rin tayo sa mga litrato o videos ngayon na naglilipana sa social at mainstream media. Kadalasan, ginagamit ang mga ito upang kunin ang inyong atensyon at hindi upang bigyan kayo ng tamang inpormasyon.
Maliban sa fake news kapanalig, ang mga hate messages sa social media ay naglilipana rin. Sa pagyakap natin sa karapatan sa free speech, nakalimutan ng marami na ito ay may kaakibat na responsibilidad.
Ang mamamayang Pilipino ay malaki at malakas ang exposure sa mainstream at social media. Kaya tayo ay susceptible sa fake news at hate messages. Halos lahat ng kabahayan, kapanalig, ay may access sa tv, lalo na sa mga urban areas. Maliban pa dito, ang Pilipinas ang isa sa mga pinaka-malakas gumamit ng social media sa buong mundo. Ayon sa Digital in 2017, isang report mula sa We are Social, isang consultancy firm na nakabase sa United Kingdom, base sa January 2917 data, ang Pilipinas ang una sa mga bansa sa buong mundo pagdating sa pagamit ng social media. Karaniwan tayong nakatutok dito ng apat na oras at 17 na minuto kada araw. Kalahati na ito ng mga working hours sa opisina.
Kapanalig, bilang kristyanong katoliko, responsibilidad natin na magbahagi ng katotohanan at pag-ibig. Walang kapayapaan ang mundo kung saan kasinungalingan at poot ang namamayani. Baguhin natin ito, kapanalig. Labanan natin ito. Pukawin nawa ng mga katagang mula sa Caritas in Veritate ang ating mga puso at udyukin tayo na ipamahagi ang katotohanan at pag-ibig sa lipunan: To defend the truth, to articulate it with humility and conviction, and to bear witness to it in life are therefore exacting and indispensable forms of charity (Ang pagdepensa ng katotohan, ang pagbabahagi nito ng may kababaang-loob at paninindigan, at ang pagsasabuhay nito ay isang di-matatawarang ekspresyon ng ating pag-ibig).