663 total views
Kapanalig, ang hunyo ay hudyat ng pagbabalik eskwela ng maraming kabataang Pilipino. Kasabay ng kanilang pagbabalik ay ang sakit ng ulo ng maraming mga magulang: mas mataas na gastos.
Nitong nakaraang araw, inaprubahan ng Commission on Higher Education ang aplikasyon para sa pagtaas ng matrikula ng mga 268 na pribadong kolehiyo at unibersidad sa bansa ngayong school year 2017-2018. Mga 6.96% ang kanilang ita-taas o P87.68 kada unit. Sa mga antas naman ng elementary at high school, tumaas ang matrikula ng mahigit pa sa 1,200 na pribadong paaralan noong school year 2016-2017.
Kaya nga’t maraming mga magulang ngayon ang napapakamot na lamang ng ulo. Pagdating kasi sa pag-aaral ng mga anak, hindi lamang tuition o matrikula ang nagmamahal, pati uniforms, gamit, at baon. Ang masaklap, ang sweldo, hindi naman nataas para sa marami.
Ayon sa Family Income and Expenditure Survey noong 2015, ang karaniwang sweldo ng pamlyang Pilipino ay 267,000 kada taon. Halos kalahati nito, o 41.9% ay nagagastos sa pagkain. Para sa mga maralita, o huling 30% ng income group, nasa 59.7% ng kanilang sweldo ang napupunta sa pagkain. Ang natitirang 40% ay para sa edukasyon, kalusugan, pamasahe at iba pang pangangailangan ng mga miyembro ng pamilya.
Ang bawat pagtaas sa presyo ng mga pag-aaral ay kumakaltas, kapanalig, sa dami o kalidad ng pagkaing nahahain sa hapag ng pamilyang Pilipino. Kaya’t di nakakapagtaka na maraming mga bata ang nag do-drop out na lamang at nagtatrabaho. Ang gutom kapanalig, ay isang malaking balakid sa edukasyon. At ang pagtaas ng gastos sa edukasyon ay nagdadala rin ng gutom sa maraming mga pamilya. Nasa 21.6% ang poverty incidence ng bayan. 12% naman ang nasa hanay ng extreme poverty.
Kaya’t mahirap para sa maraming mga magulang pa-aralin ang kanilang mga anak. Ang edukasyon, para sa maralita, ay nagiging pribelihiyo na lamang ng mga may-kaya. Kapanalig, ano nga ba ang maaring maging long-term solution dito dahil kada taon naman, tumataas ang matrikula, at kada taon, parami ng parami ang hirap tugunan ito?
Kapanalig, bilang isang pamilyang nagmamahal sa Diyos at kapwa, dapat din nating suriin ang ating lipunan at kung paano ba nito tinatrato ang pinakamaliit niyang kasapi. Ang ating lipunan ba ay “inclusive”? Lahat ba ng miyembro nito ay nabibigyan ng pagkakataon na umangat ang buhay? Lahat ba ng kabataan nito ay natatamasa ang kanilang karapatan sa edukasyon?
Ang Pacem in Terris ay may gabay sa ating lahat, na nawa’y dinggin ng mas marami: The natural law gives man the right to share in the benefits of culture, and therefore the right to a basic education and to technical and professional training in keeping with the stage of educational development in the country to which he belongs (Ang natural na batas ay nagbibigay sa bawat indibdiwal ng karapatan na makabahagi sa ganasya ng kultura, at alinsunod dito, ng karapatan sa batayang edukasyon at teknikal at propesyonal na kasanayan, batay na rin sa antas ng edukasyon ng kanyang bansa).