1,398 total views
Hinikayat ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., ang mga mananampalataya na ipagtanggol ang katotohanan laban sa mga maling impormasyon.
Ito ang paalala ng Obispo kasabay na rin ng pagdiriwang ng Pentecost sa araw ng Linggo ika-4 ng Hunyo, 2017.
Ipinaliwanag ni Bishop Bacani na kasabay ng pagsilang ng Simbahan ay tinanggap natin mula kay Hesus ang pangako ng katotohanan at ang katapangan para ipagtanggol ito sa lahat ng oras lalo na sa mga pang-aabuso, katiwalian at pagyuyurak sa karapatang pantao.
Inihalimbawa ng Obispo ang mga fake news na ang iba ay mula pa sa ahensiya ng gobyerno (Philippine News Agency o PNA) at trolls na nagpapakalat ng maling balita para lamang sirain ang kapwa.
“Kanya tandaan natin na tayong nagdiriwang ng pagdating ng Espiritu Santo, tandaan natin na ang tinanggap natin ay ang espiritu ng katotohanan, dahil dito dapat nating ipaglaban ang katotohanan. At paano kakalabanin, sa pagsasabi ng totoo at pagtutuwid ng hindi tamang mga balita, di tamang mga pahayag, mga claims na ginagawa ng tao,” ayon kay Bishop Bacani.
Dagdag pa ng Obispo: “Ang espiritung ito ay spirit of boldness o tapang na madalas na nawawala sa mga tao dahil sa kaduwagang magsalita laban katiwalian, laban sa kamalian, laban sa pang-aabuso ng kapangyarihan. Dapat po, tulad ng mga apostol, matapang tayo, malakas ang loob para sa ganun ay ipagtanggol ang totoo at tama lalo na kung niyuyurakan ito at ang karapatan ng mga tao.” paliwanag ni Bishop Bacani.
Sa isang pahayag ni Borongan Bishop Crispin Varquez sa ginanap na 5th regional youth day, hinikayat nito ang mga kabataan na labanan ang mga ‘fake news’ sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga mabubuting kuwento na nagpapakita ng habag.
Iginiit nito na maaring magamit ang social media sa pagpapakalat ng katotohanan at pakikipag-isa lalo’t marami ang gutom at nangangailangan ng salita ng Diyos.
Ang Pilipinas ay ikalawa sa pinakamaraming gumagamit ng internet sa buong South East Asia na may 44.2 million, at 94 percent sa mga ito ay may social media, ayon sa pag-aaral ng Asia Digital Marketing Association (ADMA) noong 2015.