1,395 total views
Buhay at nasa mabuting kalagayan ang pari at iba pang bihag ng Maute group.
Ito ang natatanggap na balita ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña mula sa ilang peace advocate na naging kasama noon ni Father Chito Suganob na kasalukuyang hawak pa rin ng mga bandido.
“We are getting stories from outside, regarding the hostages at saka kung ano ang ginagawa ng ibang mga grupo to negotiate for their release. May mga muslim na tumutulong, without us knowing it, on their own they are doing their own work,”pahayag ni Bishop Dela Peña sa Radio Veritas
Natutuwa naman ang Obispo sa ipinapakitang malasakit ng mga kapatid nating Muslim na gumagawa ng ‘back channel negotiation’ para matiyak ang kaligtasan ng mga bihag at mabawi ang mga ito ng ligtas.
“We don’t know exactly kasi di naman kami nag- coordinate and also delicate itong process, so they are doing on their own, and we are very thankful for that, akala namin nag iisa lang kami, marami palang tumutulong sa amin,”pasasalamat ng Obispo.
Inamin din ng Obispo na wala silang natatanggap na ulat sa kasalukuyang kalagayan ng mga bihag mula sa Armed Forces of the Philippines.
“Kami dito, we are hoping, praying and waiting.” Sa ika-11 araw ng Marawi siege at pag-iral ng martial law, higit pa sa tatlong libo katao ang nanatiling naiipit sa kaguluhan sa Marawi habang base sa ulat aabot na sa 175 ang bilang ng nasawi sa kaguluhan kabilang na dito ang 120 miyembro ng Maute. Una na ring nanawagan si Pope Francis sa mga lugar na may digmaan na itigil na ang kaguluhan lalo’t ang mga kabataan na nasa lugar ng digmaan ay napagkakaitan ng pag-asa at kinabukasan.
Patuloy namang nanawagan si Bishop Dela Peña sa publiko na nangangailangan pa rin ng tulong ang mga nagsilikas na residente ng Marawi city para sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan.
Ayon sa Obispo sa kasalukuyan marami ang nakikipanuluyan sa kanilang mga kaanak habang ang iba naman ay nasa mga evacuation center.
“Sa ngayon at this early stage yung mga basic necessity pagkain, tubig, sleeping gear, cooking wares and then yung mga health packs mga pangkaraniwang karamdaman,” ayon kay Bishop Dela Peña.
Pinaalalahanan din ng Obispo ang mga nais na magbigay ng delata o mga pagkain na isaalang-alang na ang karamihan sa mga residente ay mga Muslim kaya’t laging isaisip na magpadala ng mga ‘halal’ na pagkain.
Una na ring nagpasalamat ang Obispo sa mga tumulong sa kanila sa Marawi tulad ng Caritas Manila, Caritas Philippines at kamakailan lamang ay Catholic Relief Service na nagdala ng mga pagkain sa mga evacuation centers.
Base sa pinakahuling ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) umaabot sa 100,289 katao ang apektado ng kaguluhan sa Marawi kung saan may 13,988 katao ang nasa 24 na evacuation centers habang ang iba naman ay nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan sa Lanao del Norte, Lanao Del Sur at Cotabato.
Sa isang mensahe ni Pope Francis, una na itong nanawagan sa lugar na may digmaan na itigil na ang kaguluhan lalo’t ang mga kabataan ay napagkakaitan ng pag-asa at kinabukasan.