319 total views
“At nakita ng Diyos ang lahat ng Kaniyang nilikha, at, narito, napakabuti.” (Genesis 1:31) Gayon na lamang, mga Kapanalig, ang tuwa ng Panginoon nang likhain niya ang mundong magbibigay ng buhay sa ating mga tao. Ngunit sa kasalukuyang kalagayan ng ating mga karagatan, kabundukan, kagubatan, at hangin, gayundin ang lahat ng hayop at halamang nakasalalay sa mga ito, malulugod pa kaya ang ating Panginoon? Mamamalas Niya ang epekto ng pagtataas natin sa ating mga sarili habang pinakikinabangan natin ang mga biyaya ng ating daigdig. Malayo na ang narating natin, ngunit sa ating pag-unlad, naiwan natin ang kalikasan.
Ang pagkakalayo natin sa kalikasan ang nais bigyang pansin ng paggunita ngayong araw, Hunyo 5, ng World Environment Day. Ang pagdiriwang na ito na pinangungunahan ng United Nations ay may temang “Connect People to Nature”, “Iugnay ang Tao sa Kalikasan”. Isa itong akmang mensahe para sa marami sa ating wala nang panahong makiugnay sa kalikasan. At may mga simpleng gawaing iminumungkahi sa World Environment Day: ang pamamasyal sa kagubatan, paglalakad sa tabing-dagat, o pagsali sa mga panawagan para pangalagaan ang kalikasan.
Bilang mga nilikhang kawangis at kalarawan ng Diyos at mga nilalang na binigyan ng natatanging tungkuling pangasiwaan ang kalikasan, tayo ngayon ay patuloy na hinahamong harapin ang mga problemang nilikha ng ating pag-abuso sa kalikasan. At hindi lamang ito mangangailangan ng pakikipag-ugnayan sa kalikasan sa pamamagitan ng pamamasyal sa gubat o pagkamangha sa ganda ng karagatan. Nangangailangan ito ng malalim na pagsusuri sa ating mga sarili bilang indibidwal at bilang isang lipunan. Inihabilin sa atin ng Panginoon ang tanang nilikha upang matiyak ang pagkakaisa at katiwasayan sa mundo, ngunit naging mabuti ba tayong mga tagapangasiwa?
Makikita sa mahabang kasaysayan ng tao kung paano natin ginamit ang ating talino upang pakinabangan ang kalikasan at magpatuloy ang buhay dito sa mundo, mula sa layuning magkaroon ng sapat na pagkain at inuming tubig para sa lumalaki nating populasyon hanggang sa pagsugpo sa mga sakit at pagpapanatiling balanse ang ating klima. Ngunit sa lahat ng ito, isinakripisyo natin ang angking dangal ng kalikasan. Ang malawakang pagkakalbo ng ating mga kagubatan upang makapagmina, ang pagkaubos ng mga lupain at wetlands upang patayuan ng mga subdivision, at ang polusyon sa ating hangin at tubig mula sa mga usok ng sasakyan at paggamit ng dinamita sa pangingisda ay ilan lamang sa mga ebidensya ng ating kapabayaan. Ang pagkasira ng ating kalikasan ay bunga ng ating mga makasariling pagpapasiya at maling pagkilos.
Bagama’t kasama natin ang Simbahan sa pagdiriwang sa mga nakakamit ng tao na kaunlaran sa larangan ng agham at teknolohiya, hindi nito isinasawalang-bahala ang paggamit ng tao sa mga ito upang unti-unti ring masira ang sangkatauhan. At malaking bahagi nito ang pagsasalaula sa kalikasan, na salungat sa ganap na kaunlaran ng tao at sa kanyang dignidad. Sa madaling salita, ang pagsira natin sa kalikasan ay pagsira sa sarili natin mismo.
Magandang paalala sa atin ang World Environment Day upang pagnilayan kung gaano na ba tayo kalayo sa kalikasang sumusuporta sa atin. Sa pahayag ng UN para sa pagdiriwang nito, sinabi nitong hindi lamang sa araw na ito tayo maaaring malugod sa karangalan at karikitan ng ating kalikasan. Isa lamang ito sa mga araw na sama-samang ipagdiriwang ng buong mundo ang ganda at yaman ng ating nag-iisang tahanan. Bilang isang lipunan naman, suriin din natin kung paano natin pinangangasiwaan ang ating basura lalo na sa mga lungsod, kung paano iniiwasan ang mapanirang pagmimina at iligal na pangangahoy, at kung paano natin tinitiyak na malinis ang mga ilog, estero, at ang hanging ating nilalanghap. Sa ating munting paraan, mga Kapanalig, balikan natin ang ating ugnayan sa kalikasang nananangis ngunit patuloy pa ring ibinibigay ang ating mga pangangailangan.
Sumainyo ang katotohanan.