222 total views
Mga Kapanalig, maraming mga batang nag-aaral sa mga pampublikong paaralan ang excited dahil balik-eskwela na sila matapos ang dalawang buwang bakasyon.
Ngunit para sa 5,000 batang apektado ng kaguluhan sa Marawi City, hindi pa rin nila alam kung kailan nila muling makikita ang kanilang mga kaklase, kung kailan nila makikilala ang bago nilang guro, o kung kailan sila magkakaroon ng mga aklat at gamit sa eskwela. Sinabi noong isang linggo ng Department of Education o DepEd na ipagpapaliban muna nang dalawang linggo ang pasukan sa Marawi. O maaaring mas tumagal pa, depende kung kailan matatapos ang bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at ng mga kasapi at tagasuporta ng Maute group. Depende rin ito kung gaano kabilis maibabalik ang kapayapaan sa lungsod na nabulabog ng karahasan.
Ito ang nakalulungkot na epekto ng karahasan, hindi lamang sa Marawi, kundi sa lahat ng lugar na nababalot ng terorismo: ang pagkamulat ng mga musmos sa walang saysay na kaguluhan. Kasintindi ng mga pinsalang natamo ng mga gusaling tinadtad ng bala at kasinglakas ng alingawngaw ng mga bomba ang imahe ng karahasang nakaukit na sa alaala ng mga batang naiipit sa digmaan. At hindi lamang dalawang linggo ang kailangan upang maibalik sa “normal” ang kanilang buhay. Tiyak na bibitbitin ng mga batang taga-Marawi hanggang sa kanilang paglaki ang hirap at sakit na kanilang nararanasan bilang mga “bakwit.”
Kaya’t nakakabagabag marinig, lalo na mula sa mga taong malayo sa Marawi, na dapat lamang daw magpatuloy ang opensiba ng puwersa ng pamahalaan hangga’t hindi nauubos ang kanilang mga kalaban. Hindi natin sinasabing dapat lamang hayaan ang mga teroristang grupo na maghasik ng lagim sa Marawi o saan man sa Mindanao. Ang punto natin, mga Kapanalig, ay hindi lamang natin dapat sinusukat ang tagumpay ng anumang tugon ng ating pamahalaan sa terorismo batay sa bilang ng mga teroristang napapatay. Hindi tamang ituring lamang na “collateral outcome” o hindi sinasadyang epekto ang paglikas ng napakaraming pamilya patungo sa mga lugar na bagamat ligtas ay hindi nila alam kung ano ang kanilang kahihinatnan.
Kinikilala natin sa Simbahan ang karapatang gumamit ng puwersa o ang “right to use force” para sa lehitimong pagtatanggol sa mga mamamayan. Ngunit kaakibat nito ang pananagutang pangalagaan at tulungan ang mga inosenteng biktimang walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang mga sarili kapag may pagsalakay. Ang tinatawag nating “principle of humanity” na nasa kaibuturan ng konsensya ng bawat tao at ng lahat ay may kasamang obligasyong protektahan ang ating kapwa mula sa epekto ng digmaan at kaguluhan.
Nakalulungkot na sa maraming lugar na may operasyon ang pamahalaan para supilin ang karahasang dala ng mga kalaban ng estado, ang dignidad ng tao ay naisasantabi sa ngalan ng pagtugon sa militar o pulitikal na pangangailangan. At kung nangingibabaw ang mga layuning pangmilitar o pampulitika, laging mayroong mga tao—kasama ang mga bata—na mapupuwersang lisanin ang kanilang lugar. Ganito po ang nagaganap sa ilang taon nang kaguluhan sa Syria, at hindi naman sana tayo umabot sa katulad na sitwasyon. Ngunit kung magpapatuloy ang opensiba ng ating pamahalaan laban sa mga grupong naghahasik ng gulo sa Marawi, huwag tayong magtatataka kung patuloy na darami ang mga pamilyang lilikas patungo sa mga mas ligtas na bayan.
Kaya’t marapat lamang, mga Kapanalig, na ating tanungin ang pamahalaan: Ano ang plano nito upang tunay na maging ligtas ang ating mga kababayan sa Marawi? Ano ang plano nito upang makabalik na sa kanilang mga tahanan ang mahigit 100,000 bakwit? Ano ang plano nito upang makapasok na sa kanilang paaralan ang mga bata? Hindi matutugunan ang mga ito sa pamamagitan ng mas matagal pang palitan ng putok ng bala at bomba. Upang hindi na tumagal pa ang paghihirap ng mga bakwit, mas mainam kung matatapos ang labanan sa Marawi sa lalong madaling panahon.
Sumainyo ang katotohanan.