192 total views
Mga Kapanalig, tatlong araw matapos isailalim sa martial law ang buong Mindanao dahil sa pag-atake ng mga kasapi ng Maute group at mga tagasuporta ng Abu Sayyaf, dumayo si Pangulong Duterte sa Iligan City upang kumustahin ang mga sundalong tumutugis sa mga armadong grupo. Sa kanyang talumpati, ipinagdiinan niyang siya lamang at wala nang iba ang magiging responsable sa anumang kalalabasan ng batas militar, basta’t gawin lamang daw ng mga sundalo ang kanilang trabaho. Biro pa niya, kahit pa makagahasa ang mga sundalo ng tatlong babae, aakuin niya ito.
Hindi nagustuhan ng marami ang birong ito ng ating pangulo. Ngunit gaya ng inaasahan, ipinagtanggol siya ng kanyang mga tagapagsalita at kaalyado. Nais lamang daw ng commander-in-chief na palakasin ang loob ng mga sundalo sa pamamagitan ng pangakong hindi niya sila pababayaan at iiwan anuman ang mangyari, kahit mang-abuso sila.
Himayin natin, mga Kapanalig, ang panibagong “biro” ng ating Pangulo. Una, sinabi niya ito kaugnay ng batas militar na mahigit tatlong dekada na ang nakalipas ay nagdulot ng nakaparaming pag-abuso sa karapatang pantao, kasama na ang sekswal na pang-aabuso ng mga tagapagpatupad dapat ng batas. Ang martial law, bagama’t pinahihintulutan ng ating Saligang Batas, ay sensitibong usapin dahil na rin sa malagim nating karanasan sa ilalim nito noong dekada ’70, kaya’t hindi ito isang bagay na ginagamit lamang sa pagbibiro.
Ikalawa, hindi ito ang unang pagkakataon na ginawang biro ng pangulo ang rape. Noong kumakandidato pa lamang siya, nagbiro siyang dapat siya ang unang nanggahasa sa isang misyonerong dinukot at ginahasa ng mga rebelde noong panahong alkalde pa siya ng Davao City. Ayon sa mga grupo ng kababaihan, ang mga ganitong pahayag ay pambabastos sa dignidad ng kababaihan at humihimok ng tinatawag na “rape culture.” Ang gawing biro ang pangre-rape ay walang puwang sa isang lipunang sibilisado at may paggalang sa karapatan at dignidad ng tao, anuman ang kanyang kasarian.
Ikatlo, ang naging biro ng pangulo ay hindi akma (o “out of place”, ‘ika nga sa Ingles) sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa Marawi. Ang mensaheng dapat marinig ng mga sundalo sa talumpating iyon ay ang paghikayat sa kanila, bilang mga tagapagtanggol ng mamamayan, na sikaping mapanumbalik ang kaayusan at katiwasayan sa siyudad. Samakatuwid, ang pagpapataas ng morál ng ating mga sundalo ay hindi magmumula sa kakayahan nilang mang-abuso o manggahasa, kundi sa suporta at tiwala ng mga Pilipino, sa pangunguna ng kanilang commander-in-chief, na kaya nilang ibalik at panatilihin ang kapayapaan sa Marawi at ibang bahagi ng Mindanao.
Mga Kapanalig, sa lahat ng pagkakataon, lalo na ngayong may pinagdaraanan ang ating bansa, ang kailangan natin ay mga lider na magsisilbing tanglaw sa ating bansa. Ito ay liwanag na nagmumula sa mga tuwid at makataong prinspiyo, hindi sa mga baluktot na paniniwalang madalas sinasambit bilang mga biro. Ipinapaalala sa atin ng ating Simbahan na “kinakailangang kinikilala, iginagalang at itinaguyod ng awtoridad o ng mga pinuno ang mga pangunahing morál na prinsipyo”. At makikita natin ito sa mga salitang namumutawi sa kanilang bibig at sa mga hakbang na kanilang ipinatutupad.
Bilang mga mamamayan, mga Kapanalig, karapatan at tungkulin nating magpahayag ng pagtutol sa mga pinunong ang salita, ugali, at gawa ay salungat sa mga morál na prinsipyo. Hindi dahil ayaw lamang natin sa mga taong ito, kundi dahil nilalabag nila ang mga pinahahalagahan natin bilang isang bayang disente at makatao. Ang layunin natin ay ang ituwid ang mga mali at delikadong pananaw sa mga bagay na may impluwensya sa takbo ng ating buhay bilang isang bansa. Ngunit kung hahayaan nating maging biro lamang ang mga sensitibo at seryosong bagay, baka hindi rin natin matatanggap ang magiging biro ng tadhana sa ating bayan.
Sumainyo ang katotohanan.