1,321 total views
Pag-amin sa pagiging lulong ang unang hakbang para magamot ang mga addict maging ito may ay illegal na droga, alak o pagsusugal.
Ayon kay Father Teodulo Gonzales, SJ isang psychologist at program director Center for Family Ministries (CEFAM), ang lahat nang nalulong ay may kakulangan sa sarili at naghahanap nang pagpuno sa kaniyang pagkatao.
“Isa sa epekto ng pagkalulong sa sugal na nagresulta sa pagkalubog sa utang. Ang nangyayari kapag medyo desperado na parang nagiging suicide na siya. Siguro depression na rin kasi sa tambak ng utang. Maraming beses na nagsinungaling. Kumbaga nalugmok na tulad ng ibang addiction, di na mapigilan ang sarili.”pahayag ni Father Gonzales.
Paliwanag ng pari, dahil dito ay nasusumpungan ng ilang mga biktima ang pagpuno sa kanilang kalungkutan sa pamamagitan ng droga o pagsusugal na isang panandaliang tugon sa kanilang hinahanap.
“At sa mga nais na magbago, kinakailangan munang aminin ng pasyente ang kaniyang pagkagumon at ang hangarin na itama ito. Sa bahagi naman ng simbahan ang pagbabago ay isang pagsuko na ang kapalit ay ang pagwawagi at maibalik ang sarili sa tamang landas. Mahalaga ang may sumasalo, sabi ni Pope Francis mayroong santuaryo na maaring lapitan o pamilyang sasalo. Ang mga nais na magbago, kalimitan ayaw nila ng sinasabing mali sila kahit alam nilang mali sila. Subalit maaring ibalik sa sarili nila ang pagtitiwala, kahit nawala. Maari pa ri ng maibalik ang dangal. Dahil kung walang magtitiwala na maari itong magbago, dapat bigyang ng pagkakataon, gabayan para makarating sa tamang landas,” ayon kay Fr. Gonzales.
Ayon naman kay Dr. Randy Dellosa, isang life coach at psychiatrist, tumatagal ng anim hanggang sa dalawang taon ang gamutan ng gambling addict tulad nang lulong sa droga.
Nilinaw ni Dellosa ang pagkakaiba lamang sa illegal na droga ay mas madali na ipasok sa rehabilitation ang pasyente.
Habang ang sugal naman ay may legal at tamang lugar para magsugal bukod pa sa tanggap ito ng lipunan at kultura ng mga Pilipino.