235 total views
Bukod sa kasalukuyang kalagayan ng mga evacuees kabilang na ang mga nanunuluyan sa kani-kanilang kamag-anak ay mas malaking problema ang naghihintay sa mga taga-Marawi kahit matapos na ang kaguluhan.
Ayon kay Fe Salimbangon, Coordinator ng Iligan Social Action Center mas marami ang pangangailangan ng mga taga-Marawi dahil nawasak sa airstrike ng tropa ng militar ang mga bahay, mga business establishment maging ang mga simbahan kabilang na ang St. Mary’s Cathedral.
“Sana i-pray din kami kasi there will be a deeper problem, if not kung matapos ito, there will be another problem,” ayon kay Salimbangon.
Sinabi ni Salimbangon na hindi natatapos ang pangangailangan ng mga nagsilikas sa pagkain, damit at gamot kundi mas nangangailangan sila ng tulong at suporta sa kanilang pagbangon. Bukod sa kakulangan sa pagkain at mga pangunahing pangangailangan, may ilan na rin ang nagkakasakit na mga lumikas mula sa Marawi City.
Ilan rin aniya sa mga nagkakasakit na evacuees ay dinala na sa Northern Mindanao Regional Hospital sa Cotabato.
“Marami pa kaming kailangang tulong ngayon. Mayroon ng donors, diba minsan lang nagbigay tapos wala na, donors fatigue. Sa ngayon yung concern namin yung nutrition ng mga nasa evacuation centers kasi mayroon na silang paglulutuan, mga kaldero, mayroon silang bigas but wala naman silang pang ulam. So yung ginagawa ng iba binibenta na yung mga bigas nila, yung mga balde para sa ibang needs nila,” pahayag ni Salimbangon.
Patuloy naman ang panawagan ni Salimbangon ng tulong lalo’t hindi pa natatapos ang gulo sa Marawi.
Sinasaad sa Evangelii Gaudium ni Pope Francis, ang lahat ay tinatawag para tumulong lalo na sa nahihirapan bilang pagmamalasakit sa ating kapwa.
Ang Iligan City ay may tatlong evacuation centers na inilagay ang lokal na pamahalaan na may higit sa isang libong evacuees habang mas marami ang mga home based evacuees.
Kaugnay nito, inamin ni Jo Henry, information officer ng Humanitarian Emergency Action and Response Team (HEART) ng Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM na nahihirapan silang i-rescue ang marami pang residente dahil sa walang tigil na putukan sa Marawi city.
Isa rin sa kinakaharap na problema ng mga rescue group ay ang pagtanggi ng ilang residente na lisanin ang kanilang mga tahanan kaya’t napipilitan silang bitbitin ang mga ito palabas para sa kanilang kaligtasan.
Inamin naman ni Henry na kapos pa rin ang mga relief operation dahil sa dami ng mga lumikas sa 12-araw na kaguluhan sa siyudad.