175 total views
Nagpahayag ng pakikiisa at pananalangin ang Catholic Bishops Conference of the Philippines National Secretariat for Social Action Justice and Peace/Caritas Philippines para sa kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers sa bansang Qatar.
Ayon kay Nueva Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona, chairman ng CBCP-NASSA/Caritas Philippines, responsibilidad ng bawat Filipino ang makiisa sa mga O-F-W na nagsisikap maghanapbuhay sa ibayong dagat para mapaunlad ang buhay at napakalaki ng tulong sa pangkabuuang ekonomiya ng bansa.
Nanawagan ang Arsobispo na ipanalangin hindi lamang ang mga O-F-W kundi maging ang pangkabuuang kapayapaan at lahat ng mga mamamayan sa Qatar na maaring maapektuhan ng pagpuputol ng diplomatic ties ng 7-Arab nations sa bansa kabilang na ang Yemen, Saudi Arabia, Bahrain, Egypt, United Arab Emirates at Libya dahil sa sinasabing pagsuporta ng bansa sa mga militante o teroristang grupo.
“Yung malungkot na nabalitaan natin tungkol sa Qatar, unang-una nakikiisa tayo sa ating mga kababayang Filipino na sila din ay naapektuhan ng mga desisyon ng ibang mga bansa sa Middle East patungkol sa Qatar. Muli i-alay natin ang ating panalangin na sana bumalik na ang kapayapaan sa bansang iyon at matulungan din natin ang ating mga kababayang Filipino na manggagawa, nagsusumikap, naghihirap para maalagaan lang ang kanilang pamilya sa ating bansa. Responsibilidad natin na makiisa sa kanila, umiisip tayo ng paraan kung paano natin maipapahayag nang mabunga ang ating pagkakaisa sabi ko nga huwag nating kakalimutan ang kapangyarihan ng panalangin…”pahayag ni Archbishop sa panayam ng Veritas Patrol.
Kaugnay nito, nakatakdang limitahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang inilabas nitong suspensyon sa pagpapadala ng Overseas Filipino Workers sa Qatar.
Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, tanging mga balik-manggagawa o Pilipinong kasalukuyang nagbabakasyon sa bansa na babalik patungong Qatar ang sususpendihin habang patuloy na pinag-aaralan ng kagawaran ang sitwasyon sa lugar.
“Nagkausap kami ni Philippine Ambassador to Qatar Alan Timbayan and I told them na is it safe for me to let the suspension only with respect to balik-manggagawa? Sabi safe daw then sabi ko give me a written advisory so that I will have a basis to recommend to crisis committee na i-leave ang suspension as far as mga balik-mangagawa,” pahayag ni Bello.
Nilinaw din ng kalihim na nakahanda ang pamahalaan sa pagtulong sa mga Pilipino na maaaring maapektuhan sa krisis na kinahaharap ng Qatar at ipinaabot sa pamilya ng mga OFW na gagawin ng kagawaran ang lahat upang masigurado ang kanilang seguridad at kaligtasan.
Sa kasalukuyan aabot sa 250-libo ang bilang ng mga Filipino sa Qatar kung saan sa bilang na ito tinatayang nasa 141-libo lamang ang documented Filipino workers.
Una na ngang binigyang diin ng CBCP- Episcopal Commission on Migrants and Itenerant People ang halagahan ng mga OFW sa lipunan at kanilang malaking ambag sa paglago ng ekonomiya ng bansa, Ngunit sa kabila nito ay ang patuloy namang panawagan kumisyon na hindi dapat na magpasilaw sa malaking kita, kung ang kapalit naman nito ay ang kanilang kaligtasan at mismong buhay.