239 total views
Hindi lamang terorista kundi mga ‘kulto’ ang Maute group na nagsagawa nang paninira sa imahe ng mga Santo sa isang simbahan sa Marawi City.
Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, matagal nang naninirahan ang mg Kristiyano at Muslim sa Mindanao subalit walang ganitong insidente ng paninira ng mga banal na imahe.
“Something is wrong with Maute, pagkat hindi lamang sila terorista kundi yun pala ay ‘cultist’. Ang ibig sabihin non ang kanilang paniniwala ay iba sa panahon. Dito sa lahat ng lugar ng bansa natin, marami ang muslim community tulad sa Quiapo, pero di mo maririnig yan na sinisira ang mga imahen,” ayon sa Arsobispo.
Tiniyak ni Arcbishop Cruz na hindi masisira ng Maute ang Panginoon sa pamamagitan lamang ng mababaw na pagsira sa mga santo.
Sa isang viral video, ipinakita dito kung paano sinira at sinunog ng grupo ng mga terorista ang mga imahen sa loob ng simbahan.
Payo naman ng arsobispo sa mga mananampalataya na huwag itapon sa basurahan bagkus ito ay ibaon sa lupa ang mga nasirang imahe.
‘Kapag sira ng ganun, ibaon sa lupa. Huwag itatapon sa basurahan. Kapag ang imahen ay sira na wala na rin ang bendisyon sa imahen,” ayon kay Archbishop Cruz.
Kinondena rin ni Autonomous Region and Muslim Mindanao Gov. Mujiv Hattaman ang ginawang ito ng Maute group at sinabing ang ganitong marahas na hakbang ay hindi gawain ng Islam- ang paninira ng lugar dasalan.
Ang Marawi ay binubuo ng higit sa 200 daang libong populasyon kung saan 90 porsiyento ang mga Muslim.
At base naman sa National Commission on Muslim Filipinos noong 2012, may 10 milyon ang populasyon ng mga Muslim sa bansa o 11 porsiyento mula sa kabuuang populasyon ng Pilipinas.
Sa isang mensahe ni Pope Francis, binigyan diin nito ang kapatiran sa pagitan ng mga Muslim at binyagan, at sinabing ang lahat ng naniniwala sa Diyos ay naninwala rin sa kapayapaan.