202 total views
Nangangamba si Diocese of Borongan Bishop Crispin Varquez sa patuloy na kawalan ng trabaho at oportunidad ng mga overseas Filipino workers o OFW mula sa Middle East dahil sa patuloy na pagbagsak ng langis sa pandaigdigang merkado.
Kaugnay nito, pinaiigting ni Bishop Varquez sa pamahalaan ang paglikha ng trabaho dito sa bansa upang maiwasan na ang mga OFW ay nakikipag – sapalaran sa ibayong dagat.
“Maganda siguro if we could create job in our country para ang mga Pilipino ay hindi na lumalabas ng bansa. At yung pamilya hindi maiwanan dahil mahalaga sa pamilya yung presence ng parents ay nakahalaga sa mga anak. Maganda sana if the government can do something to create job opportunities here in our country,” bahagi ng pahayag ni Bishop Varquez sa Radyo Veritas.
Sa datos ng Department of Labor and Employment o DOLE tinatayang 1.7 milyong OFW ang mawawalan ng trabaho sa Middle East.
Nauna na ring nagpahayag ng kahandaan ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA na saklolohan ang mga OFW na apektado ng pagbagsak na ekonomiya ng Gitnang Silangan.
Gumagawa na rin ng paraan ang CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People upang bigyan ng counseling at spiritual advise ang mga OFW nakararanas ng matinding depresiyon dahil sa kawalan ng trabaho.