185 total views
Ito ang naging panalangin ni Marawi Bishop Edwin Dela Pena kaalinsabay ng paggunita ng Pilipinas sa ika-119 taong araw ng kasarinlan o Independence Day.
Hininiling din ni Bishop Dela Pena sa Panginoon na matigil na ang giyera at makabalik na sa payapang pamumuhay ang mga residente ng Marawi.
“Sa Marawi sana matigil na ang kaguluhan, ang giyera at makabalik na tayo sa dating pamumuhay na mapayapa at sana lahat tayong mga Filipino na nagmamahal sa kalayaan ay manalangin din para maibalik sa atin ang tunay na kalayaan. Maging malaya tayo sa ganitong karahasan. Maging malaya tayo sa pangangamba, sa takot at pangangamba sa mga terorista.”panalangin ni Bishop Dela Pena.
Ipinagdarasal din ng Obispo na maligtas sa kapahamakan at anumang kalamidad ang bansa.
“Magiging ligtas tayo sa mga panganib at iba pang mga natural na kalamidad. Panginoon, ito ang aming dasal”.bahagi ng panalangin ng Obispo.
Ipinagpasalamat din ni Bishop Dela Pena sa Diyos ang ibinigay na magandang buhay at umaga sa bawat isa.
“Nagpapasalamat kami sa magandang umagang binigay niyo sa amin. Very quiet ang aming kapaligiran sa ngayon”, dasal ni Bishop Dela Pena.
Kaugnay sa ika-119 na Independence Day, ipinaalala ni Nueva Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona, chairman ng CBCP-NASSA/Caritas Philippines sa mga Filipino na iisa ang ating bandila, iisa ang Panginoon, iisa ang bayan at makakamit ang tagumpay sa pagkakaisa.
Umaapela ang Arsobispo sa bawat mamamayan na pagsumikapang ibuhos ang damdamin, kaisipan at kakayahan para sa iisang layuning maitaguyod ang kaunlaran ng bayan partikular na para sa mga kabataan at susunod pang henerasyon.
Bukod dito, ipinaalala rin ng Arsobispo na ang ganap na paghilom mula sa mga masasakit na naganap sa nakaraan ay nasa pagpapatawad.
“Ang pinakamahalaga sa lahat ay iisa ang ating bandila, iisa ang ating Panginoon, iisa ang ating bayan pagsumikapan natin na ibuhos ang ating kaisipan, damdamin, mga tulong para lalo nating maipakita na ang tagumpay ay nasa pagkakaisa, ang healing ay nasa pagpapatawad at higit sa lahat ang magandang kinabukasan ay nasa pagsasama-sama natin pagkilos lalo na para sa ating mga kabataan, para sa ating mga anak…”pahayag ni Archbishop Tirona sa panayam sa Radio Veritas.
Nauna nang kinilala at pinanalangin ng Military Ordinariate of the Philippines ang mga maituturing na bayani na mga sundalo at pulis na namatay, sugatan at patuloy na lumaban para sa pangkabuuang kapayapaan ng buong Mindanao.