206 total views
Umaasa ang Military Ordinariate of the Philippines na maalala at isaalang-alang ng Maute group ang banal na paggunita ng mga Muslim sa Ramadan.
Ipinagdarasal ni Father Harley Flores –Spokesperson at Chancellor ng Military Ordinariate of the Philippines
na manaig sa Maute group ang pagiging tunay na Muslim at wakasan na mahigit tatlong linggong karahasan
sa Marawi at palayain na ang mga bihag.
Tiniyak naman ng pari na bilang Katoliko ay nakikiisa rin ang buong Simbahan sa paggunita ng mga Muslim
sa banal na buwan ng Ramadan.
Dahil dito, patuloy na umaasa si Fr. Flores na mananaig maging sa mga miyembro ng Maute group ang pagiging isang tunay na Muslim.
“Nakakalungkot po dahil sa kasalukuyan pinagdiriwang nila ang kanilang Ramadan pero on-going naman yung bakbakan sa Marawi City. Nawa ay magkaroon ng kaisipan lalo na itong Maute group na kahit papaano ay i-consider din nila yung kanilang Muslim na pananampalataya.” pahayag ni Father Flores sa panayam sa Radio Veritas.
Ika-23 ng Mayo ng magsimula ang bakbakan sa Marawi City matapos kubkubin ng teroristang grupo na naging dahilan para isailalim sa martial law ang Mindanao.
Ika-27 ng Mayo namanagsimula ang Ramadan o 30-araw na pag-aayuno ng mga Muslim.
Una nang nagpahayag ng pakikiisa ang Simbahang Katolika sa mga Muslim para sa Banal na Buwan ng Ramadan
na panahon ng pagsisisi, pagninilay at panahon ng panalangin ng mga Muslim.
Nauna dito binigyang diiin ng Kanyang Kabanalan Francisco na walang anumang relihiyon ang nagtuturo
ng karahasan at pagdudulot ng kapahamakan sa kapwa.