690 total views
Nanindigan ang Philippine Network of Food Security Programmes, Incorporated (PNFSP) na ang mababang budget ng Department of Agriculture (DA) at kawalang pagpapahalaga sa mga magsasaka ang ugat sa kakulangan ng suplay ng bigas sa Pilipinas.
Ayon kay P-N-F-S-P Executive Director Sharlene Lopez, kung mabibigyan lamang ng lupang sakahan ang mga magsasaka at madaragdagan ang pondo ng D-A ay malaki ang posibilidad na maging “rice self-sufficient ang bansa sa loob ng tatlong taon.
“Yung pagbaba ng budget na nakalaan para sa agrikultura, yun ang may mas malaking impact sa mga magsasaka. Ang panawagan nga namin ay lakihan ang budget ng gobyerno na nakalaan para sa mga magsasaka para mabigyan ng sapat na services, farm to market roads, pre and post harvest facilities yung mga magsasaka. Kasi kahit ma-ban yung unli rice ay hindi naman yon magkakaroon ng significant impact para makamit yung rice self-sufficiency,”pahayag ni Lopez.
Mababatid na bumaba ng tatlong bilyong piso ang budget ng DA mula sa 48.9-bilyon noong 2016 sa 45.3-bilyong piso budget ngayong taon.
Binigyang-diin din ni Lopez na kung kakalas ang Pilipinas sa pagiging miyembro ng World Trade Organization at mas tutukan ang tanim ng mga Filipinong magsasaka ay hindi kakailangain pang mag-angkat sa ibang mga bansa.
Sa isinagawang pagdinig sa senado tungkol sa rice importation, ipinanukala ni Senator Cynthia Villar ang pagtatanggal ng unlimited rice promos sa mga fast food chains dahil nakapagdudulot ng sakit ang pagkain ng ‘well-milled rice’ at pagsuporta sa layunin ng D-A na matamo ng bansa ang kasapatan sa suplay ng bigas sa taong 2020.
Isa din sa mga dahilan ng kakulangan sa supply ng bigas ang laganap na corruption sa pagitan ng mga opisyal ng gobyerno at mga ahensiya na dapat nagsusulong sa magandang kalagayan ng mga magsasaka at repormang agraryo.
Read: http://www.veritas846.ph/pakikisabwatan-ng-dar-bataan-sa-isang-development-corporation-inalmahan/
Sa kanyang mensahe sa National Federation of Farmers ng Italya, kinilala ni Pope Francis ang kahalagahan ng mga magsasaka dahil hindi mabubuhay ang tao kung wala ang kanilang paghihirap at presensya.