168 total views
Pagtaas ng blood pressure at labis na pag-aalala ang mga pangunahing problema ng mga nagsilikas mula sa Marawi City na pansamantalang nanunuluyan sa apat na evacuation center sa Iligan City.
Ayon kay Fr. Albert Mendez, Social Action Center Director ng Diocese of Iligan, mas mainit ang klima sa Iligan na hindi nakasanayan ng taga-Marawi kaya’t marami sa mga evacuees ang tumataas ang presyon.
Dulot din ng labis na pag-aalala at pangamba sa kanilang kalagayan ang nagiging sanhi ng iba pang karamdaman ng mga bakwit ng Marawi.
Sa kabuuang 83 evacuation centers, apat sa mga ito ay nasa Iligan City habang ang mas malaking bahagi ng mga evacuees ay nasa mga kaanak pansamantalang nanunuluyan.
Bukod sa pagkain, tubig, gamot, kailangan ng mga evacuees ang mga folding bed at thermos.
“Ganun yung mga hinihiling nila. Yung iba sabi Father, marami na kaming pagkain pero yung pagkain namin ayaw na namin nung mga de lata. Sana yung mga darating dito, kahit yung daing okay na ‘yun. Tsaka naghahanap sila ng mga gulay dahil itong mga tao ang kinakain nila sa Marawi ay gulay,” ayon kay Fr. Mendez sa panayam ng Radio Veritas.
Paliwanag ni Fr. Mendez, kailangan ang mga folding bed para sa mga bata at matatanda upang hindi na matulog sa semento na hindi nakakabuti sa kanilang kalusugan.
Sa ulat ng Department of Health, may 24 na evacuees mula sa Marawi ang nasawi sanhi ng iba’t ibang karamdaman.
Dahil dito, hinikayat ni Department of Health (DOH) Secretary Jean Ubial ang lahat ng mga biktima ng Marawi crisis na magtungo na sa pagamutan at Health Centers kung sila ay may karamdaman.
Sa panayam ng Radio Veritas, inihayag ni Ubial na sagot ng PhilHealth at ng D-O-H ang mga gastusin ng mga pasyente na biktima ng digmaan sa Marawi.
Ang panawagan ni Ubial ay para na rin sa 85 porsiyentong evacuees o higit sa 200 libo katao na nasa kani-kanilang mga kamag-anak at wala sa 83 evacuation centers na itinalaga ng gobyerno.
Inamin ni Ubial na hindi sapat ang may 100 medical personnel ng DOH na mabantayan ang mga home based evacuees kaya’t ang mga ito na ang dapat na magkusa na magtungo sa pagamutan.
Sa hiwalay na panayam, binigyan diin ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña ang katatagan ng mga taga-Marawi na isang simbolo ng pagiging Filipino sa pagharap sa suliranin at ang sama-samang pagbangon mula sa kawalan.