177 total views
Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga magsasaka ng Barangay Sumalo, Hermosa, Bataan na aaksiyunan ng Department of Agrarian Reform ang injustice na kanilang dinaranas.
Inaasahan ng mga Sumalo farmer na magiging mabilis ang gagawing pag-iimbestiga ng D-A-R sa kontrobersiyal na pag-angkin sa kanilang 213-hektaryang lupang sakahan.
Tiwala si Sumalo barangay captain Rolly Martinez na sa susunod na linggo ay magpapadala ng taskforce ang D-A-R sa Bataan upang makipagdayalogo sa Riverforest Development Corporation na kasalukuyang nagmamay-ari ng lupa na mahabang panahong sinaka ng mga mamamayan ng Sumalo.
Pinanghahawakan din ng Sumalo farmers ang pangako ni Agrarian Secretary Rafael Mariano na tutulungan ang mga magsasaka na muling maani ang mga pananim na kasamang binakuran ng kumpanya gayundin ang pagharap sa mga kaso bunga ng pakikipaglaban sa kanilang karapatan.
Naninindigan si Martinez kasama ang daan-daang magsasaka na hindi sila titigil hangga’t hindi nakakamtan ang hustisya at muling maipagkakaloob sa kanila ang lupaing mahigit walong taon na nilang ipinaglalaban.
“Sana naman maging makatotohanan yung mga pagmi-meeting at dayalogo namin sa DAR dahil ayaw na rin naman po namin na nakabilad kami rito sa harap ng DAR. Nananawagan din kami sa Malacañang na sana tulungan kami at madaliin na ang kaso na ito na talagang nagpapahirap sa mga tao. Hangga’t wala po kaming nakikitang nangyayari base sa mga napag-usapan, baka po dito muna kami sa DAR,” apela ni Martinez.
Sa kasalukuyan ay namamalagi sa covered court ng D-A-R ang mga magsasaka habang hinihintay ang resolusyon sa kanilang hinaing at ang mabilis na pag-aksyon ng kagawaran.
Magugunitang nagsimula noong ika-29 ng Mayo ang pagmamartsa ng nasa 150 magsasaka ng Barangay Sumalo mula Bataan patungo sa tanggapan ng DAR upang ipakita sa pamahalaan ang social injustice na kanilang nararanasan.
Read: Pakikisabwatan ng DAR Bataan sa isang development corporation, inalmahan
Una nang ipinaalala ng Kanyang Kabanalan Francisco na habang lumalago ang ekonomiya ng isang bansa ay mas napapangalagaan din dapat ang karapatan ng maliliit na tao at indigenous groups sa kanilang lupang tinubuan.