206 total views
Pagkakaisa at pagiging listo o vigilant ang naaangkop na tugon sa patuloy na banta ng terorismo sa bansa.
Ayon kay Nueva Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona, chairman ng CBCP-NASSA/Caritas Philippines, mahalagang ang bawat Filipino ay may matatag na kalooban, may malinaw na pag-iisip at handang labanan ang anumang uri ng banta sa kapayapaan at kaayusan ng bayan.
Iginiit ng Arsobispo na hindi dapat magpadala sa takot ang taumbayan sa kabila ng posibilidad ng kapahamakang dulot ng mga teroristang grupo.
Inihayag ni Archbishop Tirona na ang takot ay nagdudulot lamang ng kalituhan at pagdidilim ng kaisipan na nais maipalaganap ng mga naghahasik ng terorismo. “Tungkol sa mga tao na natatakot sa paglaganap o pagkalat ng mga terorismo, yun ang mas lalong gusto ng kalaban o ng mga naghahasik na terorismo na tayo ay matakot. Kapag tayo ay natatakot hindi tayo nakakakilos, nagdidilim ang ating pag-iisip, importante na ang Filipino sa kanyang kalooban ay matatag, matapang, maliwanag ang pag-iisip at handang labanan ang anumang uri ng mga bagay na sumisira sa ating kapayapaan.Huwag nating hayaang takutin tayo ng terorismo sa halip labanan at talunin natin ang terorismo sa pamamagitan ng ating pagkakaisa at pagiging vigilant para sa kapakanan ng ating bayan…”pahayag ni Archbishop Tirona sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, umaapela ang Philippine National Police sa publiko na huwag basta maniwala at iwasan ang pagpapasa o pagbabahagi ng mga sensitibong impormasyon na maaring magdulot ng pangamba, takot at panic sa mga mamamayan.
Hinimok ng PNP ang mamamayan na maging maingat at agad na ireport sa mga otoridad ang mga kahina-hinalang tao o bagay na mapapansin sa pamayanan.
Nauna nang inihayag ng PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isinasagawang imbestigasyon ng ahensya kaugnay sa kumakalat na hind beripikadong memorandum na galing umano sa Valenzuela Police Station kung saan nakasaad ang tangkang pag-atake ng teroristang grupong Maute sa ilang mall sa Quezon City, Quiapo at Makati.
Batay sa pagsusuri ng Global Terrorism Index noong 2013, pang-siyam ang Pilipinas sa mga bansang lubhang naaapektuhan ng terorismo sa buong mundo.
Hinihikayat naman ng Simbahan ang mamamayan na magdasal, maging mapagmatyag at maging handa sa iba’t ibang sitwasyon at banta ng karahasan.