215 total views
Photo by: Fr. Dominic Villa
Tatlong paaralan na sa Pigkawayan, North Cotabato ang hawak ng mga symphatizers ng Maute Group, Islamic State at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Ito ang kinumpirma ni Father Dominic Villa, parish priest ng Pigkawayan at in-charge ng Malagakit Chapel kung saan matatagpuan ang mga paaralan na inatake ng BIFF.
“Yung dalawang schools, yung isang school kasi may Elementary at High school and then yung isa pang Elementary. Inoccupy na po nila talaga,”pahayag ni Father Villa sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon kay Father Villa, nakubkob ng BIFF ang Simsiman Elementary School at Simsiman High School gayundin ang kalapit na Malagakit Elementary School na ilang kilometro lamang ang layo sa bayan ng Pigkawayan.
Sinabi ng pari na kabilang sa hostage sa kasalukuyan ng BIFF ang dalawang estudyante at dalawang guro.
Inihayag ni Father Villa sa Radio Veritas na halos dalawang linggo na nilang natanggap ang impormasyon hinggil sa pag-atake kaya’t tuwing gabi ay lumilikas ang mga residente mula sa barangay Simsiman at Malagakit para makitulog sa kanilang mga kaanak.
“Actually matagal na yang info na talagang may mag-attack sa amin sa part ng Marsland (Liguasan Marsh) last Christian barangay sa marshland. Kung di ako nagkakamali mga two weeks nang nagbabakwit ang mga tao, naiiwan ang mga lalaki, ang mga kababaihan nagpupunta sa town sa kanilang mga kamag-anak ang iba sa munisipyo. pista sa kanila kalian (Malagakit) pero hindi ako pinayagan na mag-misa dahil may mga information na sila na narinig. Kaya instead na doon mag-misa dito na lang sa Pigkawayan parish”,”pagbabahagi ni Villa sa panayam ng Radio Veritas.
Kaninang alas-5 ng umaga nang lusubin ng mga armadong kalalakihan ang mga paaralan sa Barangay Simsiman at Malagakit.
Iniulat ng pari na naghahanda na ang kanilang parokya para mamigay ng relief goods sa mahigit 500-evacuees o mga nagsilikas na residente sa bayan ng Pigkawayan.
Ayon kay Father Villa, patuloy din sa kasalukuyan ang rescue operation ng lokal na pamahalaan sa mga residente na naipit sa pagsalakay ng BIFF.
Ibinahagi din ng pari ang kanilang takot sa pagre-regroup at pagsama-sama ng mga grupo na naimpluwensiyahan ng ISIS ideology.
“Alam naman natin na mga sympathizers nag -merge sila as a group, iyon ang takot namin. Iba na ang sitwasyon ngayon, iba na ang ideology ng grupo na iyan, influenced by ISIS, at Maute group.Sana hindi mangyari yung nangyari sa Marawi”.pangamba ni Father Villa.
Ang Pigkawayan ay binubuo ng 40 barangay na may 60 libong populasyon.