264 total views
Lumalaki ang pangangailangan ng mga evacuees mula Marawi City habang sila ay nagtatagal sa mga evacuation camps.
Ito ang inihayag ni Rev. Fr. Albert Mendez, Social Action Director ng Diocese of Iligan kasabay ng kanilang patuloy na pag-agapay sa mga nagsilikas dahil sa kaguluhan.
Ayon kay Fr. Mendez, medisina at pangangailangan ng mga bata at mga kababaihan ang pangunahing suliranin ngayon sa mga evacuation center.
Sinabi ng Pari na ilan lamang sa mga idinulog sa kanila ng mga evacuees ay ang pagkakaroon ng folding bed, mga thermos at telebisyon para sa mga bata sapagkat apektado na ang kanilang kaisipan ng takot mula sa kaguluhan.
“When I visited the evacuees they said kulang daw sa kettle, folding bed for mothers, thermos at still food packs for the home base [evacuees].” Mensahe ni Fr. Mendez sa Veritas 846.
Kaugnay nito, ipinagpasalamat ni Fr. Mendez ang pagbabahagi ng tulong ng iba’t-ibang diyosesis at institusyon ng Simbahan.
“Naghatid ang [Diocese of] Tagum, Tagbilaran, Davao, Pagadian then pumunta din ang Butuan at Zamboanga” pahayag ng pari.
Unang nagpadala ng P500 libong piso na tulong pinansyal at 100-cavan ng bigas ang Caritas Manila habang P300 libong piso naman ang mula sa Caritas Philippines.
Batay sa datos ng DSWD aabot sa halos 70 libong pamilya ang nasilikas dahil sa kaguluhan sa Marawi kung saan ilan sa mga ito ang nanatili sa iba’t-ibang evacuation camp at ang iba ay nakituloy sa kanilang mga kaanak.