316 total views
Siksik, liglig, at umaapaw.
Hindi lamang tumutukoy ang mga salitang ito, mga Kapanalig, sa biyayang matatanggap natin mula sa Panginoon kapag tayo ay nagbabahagi at nagbibigay sa ating kapwa. Ganito rin mailalarawan ang mga bilangguan sa ating bansa, at makikita ito sa ulat ng Commission on Audit (o COA) tungkol sa Bureau of Jail Management and Penology (o BJMP).
Ayon sa audit report na isinapubliko noong nakaraang linggo, lumobo nang mahigit 500 porsyento ang congestion rate o pagsisiksikan sa mga bilangguan. Ibig sabihin, limang beses na mas marami kaysa sa kayang tanggapin ng mga bilangguan ang bilang ng mga preso. Ang kapasidad kasi ng ating mga kulungan ay para lamang sa 20,746 na bilanggo, ngunit natapos ang taóng 2016 na mayroon tayong mahigit 126,746 na preso; dahil daw ito sa pagdami ng mga ibinilanggong may mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga. At para bang doble ang pagpaparusang nararanasan ng mga preso sa mga siksikang bilangguan—inalisan na nga sila ng kalayaan, nalalagay pa sa peligro ang kanilang kalusugan. Matatandaang noong nakaraang buwan, 30 inmates sa iba’t ibang bilangguan sa rehiyon ng Calabarzon ang namatay dahil sa alta presyon at sakit sa baga o respiratory diseases, dala ng kawalan ng maayos na bentilasyon sa pinaglagakan sa kanila.
Puna ng COA, bigo ang BJMP na masunod ang mga pamantayan para sa makataong pagtrato sa mga nasa bilangguan na nakasaad sa United Nations Minimum Standard Rules. Pinalalalâ pa ang sitwasyon ng mabagal na proseso ng paglilitis ng mga hukuman na bunga naman ng kakulangan sa mga hukom, pagpapaliban ng mga pagdinig, at mabagal na paglalabas ng mga sentensya.
Ngunit may mas malalim na dahilan sa likod ng kalunos-lunos na kalagayan sa mga bilangguan dito sa Pilipinas. Sinasalamin nito ang kawalan ng pagpapahalaga natin bilang isang lipunan sa mga kapwa nating nagkasala sa batas. Itinuturing sila ng marami sa atin na para bang mga hindi tao—walang dignidad, walang karapatang mabuhay. Nararapat lamang daw sa mga preso ang kanilang kalagayan, gaano man ito kasamâ, bilang kabayaran sa kasalanang kanilang nagawa. Ngunit sabi nga ni St John Paul II, mistulang paghihiganti lamang ng lipunan ang pagbibilanggo kapag hindi itinataguyod ang mga interes ng mga bilanggo, at nagbubunsod lamang ito ng kapootan sa kalooban ng mga preso. Hindi ito tunay na katarungan.
Bilang mga Kristyano, tayo ay naniniwala sa isang Diyos ng katarungan at habag, justice and mercy. Makatwiran ang mga parusang may layong ituwid ang pagkakamali ng isang tao. Nararapat na pagbayaran ng mga nagkasala ang pinsalang kanilang nagawa sa iba. Mainam na mapanumbalik ang mga ugnayan o relasyon ng nagkasakitang partido. Ngunit hindi ito nangangahulugang iiwan na lamang natin ang mga preso sa isang kalagayang hindi makatao gaya ng mga siksikang bilangguan. Hindi tayo iniwan ng Diyos sa kabila ng ating mga kasalanan, at ganito rin ang panawagan sa ating mga Kristyano. Kung hinahayaan nating mabulok sa bilangguan ang mga preso, sa mga bilangguang walang sapat na hangin at espasyo upang makakilos nang matiwasay, iniiwan natin sila. Ang Kristyanong pagkilos para sa katarungan ay hindi iniiwan ang kapwa nating nagkasala sa batas; sinasamahan natin silang makapagbagong-buhay. At ang bilangguan, sabi pa ni St John Paul II, ay dapat na maging isang “place of redemption”, isang lugar ng katubusan.
Mga Kapanalig, maraming isyung panlipunang kinakaharap ang ating bayan, ngunit hindi ito dapat maging dahilan upang isantabi natin ang lumalalang kalagayan ng mga kapwa nating nasa mga bilangguan. Hindi rin naman natin iminumungkahi ang pagtatayo ng maraming bilangguan; ang kailangan ay isang sistemang pangkatarungang mabilis magpataw ng parusa at naghahangad ng pagbabalik-loob ng mga nagkasala sa batas sa lalong madaling panahon at sa paraang kumikilala sa kanilang dignidad bilang mga tao.
Sumainyo ang katotohanan.