385 total views
Mga Kapanalig, isang buwan na ang gulo sa Marawi at hindi pa natin natatanaw ang katapusan nito. Marami na ang lubhang naapektuhan ng krisis na ito—mga bahay at gusaling nasira, mga taong nawalan ng tirahan at kabuhayan, mga pamilyang nagkahiwalay, at mga buhay na nawala. Tunay nga namang trahedya at paghihirap lamang ang nakakamit natin sa digmaan. At ang higit na naapektuhan sa mga labanang ito ay ang mga batang musmos. Sabi nga ni Eglatyne Jebb, isang kilalang tagapagtanggol ng karapatan ng mga bata at nagtatag ng NGO na Save the Children, “Every war is a war against children.” Ang bawat digmaan ay digmaan laban sa mga bata.
Sa panahon ng giyera, nalalantad ang mga bata sa napakaraming kapahamakang nag-iiwan ng matinding lamat sa kanilang pagkatao. Ayon sa Department of Education, tinatayang mahigit sa 20,000 batang mag-aaral sa Marawi ang lumikas patungo sa mga evacuation centers o nakikitira ngayon sa kanilang mga kamag-anak sa iba’t ibang lugar. Nahinto ang kanilang pag-aaral at hindi pa tiyak kung kailan sila makababalik sa kanilang mga paaralan, kung hindi pa tuluyang nasira ang mga ito. Kaya’t inatasan ng DepEd ang mga prinsipal ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa na tanggapin ang mga batang lumikas mula sa Marawi upang maipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral.
Maliban sa problema sa pag-aaral, nalalagay din sa panganib ang kalusugan ng mga batang bakwit. Dahil sa siksikan at kakulangan sa pagkain, tubig, gamot at sanitasyon sa mga evacuation centers, marami sa mga bata ang nagkakasakit. May mga batang nakararanas ng matinding takot, depresyon, at trauma bunga ng mga putukan, pagkawalay sa pamilya, pagkasira ng kanilang mga bahay, at pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay at kaibigan. Kapag hindi sila nabigyan ng angkop na tulong sa lalong madaling panahon, makaapekto ito sa kanilang paglaki at maaaring pang maging sanhi ng kanilang kamatayan. Isang 14 na taóng gulang na bata na nga ang naiulat na nadamay at napatay sa gitna ng bakbakan.
Kaya’t napapanahon ang paghahain ng isang panukalang batas sa Kongreso na naglalayong protektahan ang mga bata sa mga sitwasyon ng digmaan. Pumasa noong Mayo sa Committee on the Welfare of Children sa Mababang Kapulungan ang Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict Act. Layon ng panukalang batas na protektahan ang mga bata laban sa lahat ng mga pang-aabuso, karahasan, kapabayaan, kalupitan at diskriminasyon sa panahon ng digmaan. Isinusulong din nito ang paggalang at pagsulong sa karapatan ng mga bata katulad ng karapatan nila sa pagtanggap ng angkop na serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at suportang sikolohikal. Pipigilan din ng batas ang pag-recruit ng mga bata upang isali sa mga labanan. Ituturing din ang mga batang nasasangkot o apektado ng digmaan bilang mga biktimang kailangang bigyan ng tulong at suporta. Bagamat may mga probisyon sa panukalang batas na kailangan pang suriing mabuti, malinaw ang layunin nitong tiyakin ang kapakanan ng mga batang apektado ng digmaan.
Mga Kapanalig, hindi tamang ituring ang mga batang naiipit sa gulo bilang “collateral damage” lamang, mga hindi sinasadyang biktima ng digmaan. Sabi nga ni St John Paul II, “Karahasan ang bunga ng karahasan… Ang digmaan ay pagkatalo, kabiguan ng katwiran at ng sangkatauhan.” At sa digmaan, pinakatao ang mga inosenteng bata. Ngunit sa mga pagkakataong nariyan na ang digmaan, tiyakin nating lahat na napangangalagaan ang buhay at dignidad ng bawat tao sa mga apektadong lugar, lalung-lalo na ng mga bata.
Sa huli, hindi sapat ang pagkakaroon ng mga batas. Sa abot ng ating makakaya, lagi nating piliin natin, bilang isang bayan, ang kapayapaan kaysa sa digmaan. Lagi nating isaalang-alang ang mga batang aani sa kanilang kinabukasan ng anumang bunga ng ating mga pasya sa kasalukuyan.
Sumainyo ang katotohanan.