633 total views
Mga Kapanalig, maituturing nang mapalad ang inyong pamilya kung nakakain kayo nang tatlong beses sa isang araw. Hindi kayo kabilang sa tinatayang 2.7 milyong pamilyang Pilipino na walang pagkain at nakaranas ng gutom kahit isang beses noong unang tatlong buwan ng 2017, ayon na rin sa Social Weather Stations o SWS. Sa bilang na ito, 2.2 milyong pamilya ang nagutom nang isa o higit pang beses; sila ang nakaranas ng tinatawag na moderate hunger. Halos kalahating milyong pamilya naman ang nakaranas ng matinding gutom o severe hunger dahil madalas o halos palagi silang walang makain.
Sa mga pagkakataong may pambili ng pagkain ang mga mahihirap na pamilya—o kahit ang mga hindi mahihirap—unang pinagkakagastuhan ang bigas. Hindi na baleng walang masarap at masustansyang ulam basta’t may kanin na mapagsasaluhan. Ayon sa batikang ekonomistang si Cielito Habito, kahit pa tumaas ang presyo ng bigas, ito ang unang bibilhin ng pamilyang Pilipino. Sa kaso ng mga mahihirap nating kababayan, dahil hindi na kaya ng kanilang bulsa ang makabili pa ng ulam, bibili na lamang sila ng dagdag na bigas o lutong kanin.
Staple food na nga nating mga Pilipino ang kanin, ngunit sa kabila ng pagiging agrikultural nating bansa, marami tayong mga kababayan ang walang sapat na makain, kahit kanin. Mahigit dalawang dekada na tayong umaangkat ng bigas mula sa mga kapitbahay nating bansa gaya ng Vietnam at Thailand, mga bansang sa atin natutunan ang teknolohiya at mga pamamaraan upang mapalaki ang produksyon ng palay. At mukhang magpapatuloy pa ang pagdepende natin sa kanila para sa bigas dahil importasyon pa rin ang nakikitang solusyon ng isa nating mambabatas. May dagdag pa siyang mga mungkahi: Bakit hindi na lamang daw tayo kumain ng mas mahal na brown rice na mas mainam sa ating kalusugan kaysa sa well-milled rice o puting kanin? Dapat na rin daw ipagbawal ang mga promo ng mga restaurant na unlimited rice o unli-rice dahil masama rin daw ito sa kalusugan. Sa halip na magpakasawa sa unli-rice, matuto na raw tayong kumain ng gulay. Tama nga naman.
Ngunit hindi lamang ang dami at kalidad ng pagkonsumo natin ang ugat ng problema sa pagkain. Ano ang saysay ng mungkahing kumain ng gulay at itigil ang unli-rice kung sa simula pa lang, walang kakayanan ang mga mahihirap nating kababayan na bumili ng pagkain, kahit pa ng masusustansyang pagkain? Paano natin matitiyak na kaya na nating punan ang pangangailangan natin sa pagkain, lalo na sa bigas, kung ekta-ektaryang sakahan natin ang ginagawang subdivision, pasyalan, o pribadong mga ari-arian?
Sa ikalawang tanong, may magagawa ang ating mahal na senadora. Maaari niyang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain sa ating bansa kung isusulong niya ang National Land Use Act o NLUA, isang batas na gagabay sa tamang alokasyon at mas makatarungang paggamit ng lupa. Sisiguruhin ng NLUA na may sapat tayong mga lupa para taniman ng pagkain, gaya ng palay. At sa tulong ng angkop na teknolohiya, magiging masagana ang ani ng ating mga magsasaka. Ngunit dahil siguro sa koneksyon ng kanyang pamilya sa negosyong real estate, ang senadora ang unang tumututol sa NLUA.
Wika ni Pope Francis, naisasabuhay na natin ang ating kinabukasan sa pamamagitan ng ating pagtugon sa pagkagutom at pagkauhaw ng ating kapwa. Sa ating kakayahang tulungan ang mga nagugutom at nauuhaw, nasusukat natin ang pulso ng ating pagkamakatao. Pangmatagalang solusyon sa kakulangan sa pagkain at gutom ang kailangan natin, hindi lamang mga paalala kung ano ang dapat at gaano karami ang dapat nating kainin. Dapat unahin ng ating mga lingkod-bayan sa pamahalaan ang interes ng mga mamamayan at hindi ang interes ng kanilang negosyo. Sa ganong paraan, tunay na mapapawi nila ang kumakalam na sikmura ng mga dukha.
Sumainyo ang katotohanan.