166 total views
Libo-libong pamilya mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang nagtipon upang ipagdiwang ng ika-36 na taong anibersaryo ng Couples for Christ (CFC) sa Luneta o Quirino grandstand sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay CFC Lebanon Country Head Jun Iriola, maraming biyaya ang naihatid sa kanyang pamilya ng mahigit dalawang dekadang pagiging miyembro ng C-F-C na gumagabay sa bawat tao mula sa araw ng pagsilang nito hanggang sa huling araw dito sa lupa.
“Ang tawag po namin sa community sa Couples for Christ ay womb to tomb community because we have Kids for Christ, Youth for Christ, Singles for Christ, Handmaids of the Lord at Servants of the Lord. Hindi ko naman sinasabi na perfect ang community namin. It’s an imperfect community with imperfect people pero dito po talaga namin nakikilala ang Panginoon together with my family,” pahayag ni Iriola.
Kaugnay nito, ibinahagi rin ni 12-years CFC Lebanon Pastoral Formation Officer Eppie Ballouz kung paano pinatibay ng samahan ang kanyang buhay pananampalataya at pagtitiwala sa dakilang lumikha.
“It’s spiritually uplifting to see people gather together with one faith worshiping one God. I’m 62 years old and faith has kept my family together regardless of the physical separation because some of my kids are studying abroad and I shall say a daily prayer alone keeps us going on and everything will work out right,” ani Ballouz.
Sa kasalukuyan ay may tinatayang 180 miyembro ng Couples for Christ mula sa Lebanon.
Samantala dumalo rin sa anibersaryo ang mga kinatawan ng CFC India, China, Indonesia, Vietnam, USA, Canada at ilang komunidad mula sa mga bansa sa Middle East.
Nagsimula ang Couples for Christ sa Pilipinas noong 1981 na mayroon lamang 16 couple-member at sa kasalukuyan ay umabot na sa 800-libo ang kabuuang bilang ng mga miyembro nito kung saan humigit-kumulang 600-libo ay Pilipino habang ang iba naman ay mula sa iba’t ibang kontinente.
Ang CFC ay isang international catholic movement na may layuning pagpanibaguhin, patatagin at mas ilapit sa Diyos ang bawat pamilyang Kristiyano.