182 total views
Binigyang pagkilala ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga musmos mula sa Tulay ng Kabataan Foundation Inc. (TNK) na dumalo sa pagdiriwang ng kanyang ika-60 kaarawan.
Ayon kay TNK chairperson Cardinal Tagle, ang pag-abot ng kamay ng mga naghihirap, iniwan at nalulumbay nang may dalisay na kalooban ay daan upang mas mapalapit ang tao sa Diyos.
Isa ang 14-na taong gulang na si Aleli Jay Pasino sa libo-libong kabataan na nasagip ng Tulay ng Kabataan at ngayon ay nagsisimula nang abutin ang kanyang pangarap sa tulong ng Kardinal.
“Maraming salamat po Cardinal kung di po dahil sa inyo hindi po ako mapupunta sa Tulay ng Kabataan.
Dati po pulubi ako ngayon po, okay-okay na po tapos nakakapag-aral na po ako ngayon. Mas napalapit din po ako sa Panginoon dahil po kay Cardinal [dahil] tinuturuan n’ya po kami ng mga tamang asal,” pagbabahagi ni Pasino.
Bukod dito ay nagpatotoo rin Stephanie Magtalas na biyayang maituturing ang pagiging parte niya ng TNK
dahil naging instrumento aniya ng Diyos si Cardinal Tagle upang siya ay makapagbagong-buhay at talikdan ang kanyang mga kasalanan.
“Dati po salbahe po yung ugali ko, ngayon po nagbago na po, dati sumasagot pa ako sa magulang ko, nagmumura
pa ako ngayon hindi na po kundi po dahil kay Cardinal Tagle. Maraming salamat po Cardinal, kundi po dahil sa inyo hindi po mababago yung pag-uugali namin ngayon at nag papasalamat din po ako sa pag-imbita ninyo sa amin,” kuwento ni Magtalas.
Ang TNK ay isang non-government organization na umaalalay sa mga street children sa Metro Manila
sa pamamagitan ng feeding program, health check-ups at pagbibigay ng libreng pre-school education sa mga batang naninirahan sa lansangan.
Sa kanyang pagbisita sa Pilipinas noong 2015, matatandaang surpresang dinalaw ni Pope Francis ang TNK
at nanawagan sa bawat mananampalataya na pahalagahan ang mga musmos na naisasantabi ng lipunan.
Naunang binigyang pugay si Cardinal Tagle ng kanyang mga mahal sa buhay at kaibigan sa ika-60 taon
niyang kaarawan.
Read: