168 total views
Hinikayat ni Diocese of Imus Bishop Reynaldo Evangelista ang bawat mananampalataya at mga otoridad na labanan ang droga at sugpuin ang human trafficking sa paggunita ng International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking.
Ayon sa Obispo, matatamo lamang ang kapayapaan at pag-unlad ng komunidad kung unang susugpuin ang mga utak ng masamang gawain na pangunahing nagdudulot ng malubhang problema sa mundo.
“Sa mga utak ng drug abuse at illicit trafficking] sana ay tigilan na nila ang gawaing ito dahil napakalaking epekto
at kasamaan ang naidudulot nito sa maraming kabataan at pamilya gayundin nawa sila ay magkaroon na ng bagong buhay na sa halip makasira ng kapwa ay makatulong sa pagpapaunlad ng mga mamamayan. Sana sa pagtutulong-tulong natin ay matigil na lahat ng gawaing ito at tunay na mapaunlad natin ang lipunan,” panawagan ni
Bishop Evangelista.
Naniniwala rin ang Obispo na kung sama-samang mananalangin ang tao at hihingin ang paggabay ng Panginoon
ay mararansan ang isang mundong malaya sa ipinagbabawal na gamot at pang-aalipin ng tao.
Samantala mahigit sa walong libong pinaghihinalaang drug pusher at users ang nasawi sa loob ng isang taong madugong kampanya ng administrasyong Duterte kontra droga kung saan 50-porsiyento ay death under investigation o mga biktima ng extra-judicial killings.
Sa kabila ng pagmamalaki ng mga otoridad na tagumpay ang war on drugs ay walang nahuling bigtime druglords sa sinasabing 84,467 drug personalities na nasakote sa kampanya mula July 2016 hanggang sa kasakukuyan kung saan business as usual pa rin ang drug trafficking sa bansa.
Kaugnay nito sa tala ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), 1.2milyong bata sa buong mundo
ang nasasangkot sa human trafficking kada taon.
Samantala nasasaad rin sa 2008 World Drug Report ng United Nations na 3.9% sa kabuuang populasyon ng mundo na nasa edad 15 hanggang 64 ay lulong sa paggamit ng marijuana.
Sa panig ng Simbahan, binuo ng Archdiocese of Manila ang Sanlakbay program na nagbibigay pag-asa sa mga sumukong drug addict at pushers.
Nauna ng umapela si Pope Francis sa isinagawang Workshop on Narcotics noong 2016, na talikdan ang paggamit ng droga na itinuturing na bagong uri ng pang-aalipin dahil ang mga biktima nito ay nawawalan ng kalayaan dahil sa pagkakalulong dito.