171 total views
Nakipag-ugnayan na ang Prelatura ng Marawi sa Caritas-Philippines para tulungan ang mga evacuees na biktima ng kaguluhan sa Butig, Lanao Del Sur.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin Dela Peña, nagbigay kaagad ng cash donation ang Caritas Philippines bilang ‘expression of solidarity’ na rin sa mga biktima na ngayon ay nasa 5,000 pamilya.
“Nakipag-ugnayan na kami sa Nassa/Caritas Philippines para humingi ng tulong at ito rin ay parang expression of solidarity na rin, in fact pumasok na ang perang pinapadala nila para sa basic needs na kailangan ng tao. Tumutulong ang Simbahan Course through sa Caritas Philippines, and local NGO, we are always in coordination with them dahil sila ang nakakaalam ng sitwasyon, andiyan din ang DSWD sa pagbibigay ng relief goods, sila ang nasa front,” pahayag ni Bishop dela Peña sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi ng obispo na karamihan sa mga dumadagsa sa Marawi ay nasa evacuation centers habang ang iba ay nakikitira sa kanilang mga kamag-anak.
Kaugnay nito, patuloy na humihingi ng panalangin ang obispo na makamit nawa ang pangmatagalang kapayapaan na matagal na nilang inaasam-asam sa Mindanao upang wala ng mamamayang lumilikas mula sa sarili nilang lugar.
“Nananalangin kami sa kalagayan sa aming luigar lalot higit sa mga lumikas sa sagupaan sa Lanao Del Sure sa Butig, sila ay lumilikas sa Marawi nangangailnag sila ng tulong kalinga ng ating kababayan, gabayan mo sila upang makabalik sila sa kanilang pinanggalingan at ibigay nyo sa amin ang matagal ng inaasam-asam na kapayaan na pangmatagalan.” Panalangin ni Bishop dela Peña.
Kahapon, inihayag ni Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines na nasa tatlong araw na ang kanilang clearing stage sa Butig, Lanao del Sur matapos ang tangkang pagkubkob ng mga rebeldeng Moro na pinamumunuan ng magkapatid na Abudullah at Omar Maute, mga dating miyembro ng Jemaah Islamiyah sa isang army detachment doon noong February 20, 2016.
Tinatayang nasa 5 sundalo ang nasawi sa labanan habang nasa 50 naman sa panig ng mga rebelde.
Sa record ng Philippine government, nasa mahigit 60,000 ang nasawi na sa kaguluhan sa Mindanao mula 1970’s hanggang 2007.
Una ng nanawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco na hindi ang isa pang karahasan na pag-aarmas ang tugon para makamit ang kapayapaan ng bawat komunidad kundi ang tahimik na dayalogo sa magkabilang panig.